GAYA ng kanilang taunang aktibidad tuwing Father’s Day, nanawagan nitong Martes ang Philippine Urological Association Inc. (PUA) sa kalalakihan na 40 taong gulang pataas na magpakonsulta nang libre kontra prostate cancer sa mga piling ospital sa bansa sa Hunyo 16.

Ipinahayg ni PUA president Dr. Wilfredo Tagle na ang libreng konsultasyon ay isasagawa sa 80 accredited hospital at mga institusyon sa buong bansa, bilang bahagi ng taunang hakbanging ng samahan para isulong ang “Men’s Health Awareness Month”.

Hinikayat ni Tagle ang publiko na alamin at pahalagahan ang importansiya ng kalusugan ng kalalakihan, lalo na sa maagang pagtukoy kung may prostate cancer ang mga ito, sa pamamagitan ng “Tayo na MAN” program ng PUA.

“Who should be talking about this? Everyone, tell your dad, brother, son and friends and encourage them to be proactive in discussing to their doctors about prostate cancer. The more people you talk about prostate cancer with, the more men you’ll be able to help,” dagdag pa ni Tagle.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon sa Department of Health (DoH), ang cancer ang ikatlong sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, at 19.3 porsyento sa bawat 100,000 kalalakihang Pilipino ang apektado ng prostate cancer.

Ang prostate cancer ay isang sakit na nabubuo sa prostate—isang maliit na gland na hugis walnut na makikita lamang sa katawan ng lalaki—na naglalabas ng seminal fluid at nagpapasigla sa daloy ng semilya. Makikita ito sa ilalim ng urinary bladder at sa harap ng rectum ng pelvic cavity.

Nagkakaroon ng prostate cancer kapag hindi na makontrol ang paglaki ng prostate. Ngunit gaya ng anumang uri ng cancer, ang early detection ang susi sa matagumpay na pagsugpo sa sakit.

Ang kalalakihang mahigit 65 taong gulang ay mas mataas ang panganib na magkaroon ng prostate cancer.

Bukod sa libreng screening, magbibigay din ang PUA ng lecture tungkol sa iba pang kondisyon na may kinalaman sa prostate cancer gaya ng paglaki ng benign prostatic, andropause, at erectile dysfunction.

Sa Quezon City, ang ilang ospital na katuwang ng grupo ay ang Veterans Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, AFP Medical Center, at UERM.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa iba pang ospital na katuwang ng grupo sa Luzon, Visayas at Mindanao, maaaring bumisita sa Facebook page ng PUA, ang Tayo Na-Man.