TATLONG linggong mamamahinga at maghihintay ng kanilang makakatunggali sa semifinals ang Creamline at PayMaya makaraang angkinin ang dalawang outright semifinals berth sa pagtatapos ng eliminations ng Premier Volleyball League (PVL) 2 Reinforced Conference.

Ngunit, bago magbakasyon, kapwa isinara ng dalawang koponan ang preliminaries sa pamamagitan ng panalo kontra sa kani-kanilang karibal nitong Miyerkules ng gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Ginapi ng PayMaya High Flyers ang Bali Pure-National University Water Defenders, 13-25, 25-21, 25-21, 20-25, 15-9.

“Sabi ko sa kanila there’s nothing to be serious about this game, just finish this. Whatever happens, we have the highest quotient but we don’t want to end the eliminations on a very bad manner,” pahayag ni PayMaya head coach Roger Gorayeb..

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“You still have to play your best. If we lose, there’s nothing to worry about as long as you played your best,” aniya.

Pinangunahan ni import Tess Nicole Rountree ang panalo sa itinala nyang 27 puntos, kasunod si Jorelle Singh na may 11 puntos.

Nanguna naman si import Janisa Johnson para sa Bali Pure-NU na mayroon ding 27 puntos kasunod ang kapwa import na si. Alexis Matthews na may 16 puntos.

Nauna rito, winalis naman ng Cool Smashers ang Iriga-Navy, 25-21, 26-24, 25-23 para sa ikalimang dikit na panalo.

Pinangunahan nina skipper Alyssa Valdez at Jema Gallanza ang nasabing panalo sa iniskor nilang 19 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nagtapos ang Bali Pure na may 3-4 karta kasalo ng Air Force, PetroGazz at Banko Perlas kasunod ng pumangatlong Tacloban (4-3) habang nasa buntot naman ang Lady Oragons na may markang 1-5.

Muli silang maglalaban sa round robin quarterfinals upang alamin ang huling dalawang papasok ng semifinals.

-Marivic Awitan