Magpapatupad ng 13 sentimong bawas-singil sa kada kilowatt hour (kWh) ng kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong Hunyo.

Ito ay sa kabila ng pag-abot ng Feed-In Tariff Allowance (FIT-All) rate ng hanggang P0.2563/kWh ngayong buwan, matapos na aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang panibagong P0.0733/kWh increase nito.

Binigyang-diin ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na hindi naramdaman ng mga consumer ang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa FIT-All rate, dahil na-offset ito ng pagbaba ng P0.0695/kWh sa singil sa generation charge at P0.0861/kWh na bawas sa transmission charges, o kabuuang P0.1556/kWh.

Nakatulong din naman, aniya, sa pagpapababa ng singil sa kuryente ang pagbaba rin ng taxes at iba pang charges ng P0.0429/kWh.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bunsod naman, aniya, ng rate adjustment ay magiging P9.8789/kWh na lamang ang overall rate ng kuryente ngayong Hunyo, mula sa dating P10.0041/kWh overall rate noong Mayo, o katumbas ng P25 tapyas sa bill ng residential consumer na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagbawas-singil ang Meralco, makaraang magtapyas ng 54 sentimos nitong Mayo.

-MARY ANN SANTIAGO