Aabot sa mahigit P1 milyon halaga ng alahas at cash ang tinangay ng apat na hindi pa nakikilalang kawatan makaraang pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang mag-amang Taiwanese, at iginapos pa sa kuwarto ang nakababatang biktima, sa Valenzuela City, Martes ng hatinggabi.

Sa report kay Senior Supt. David Nicolas Poklay, acting chief ng Valenzuela City Police, kinilala ang biktimang si Hsieh Te Yan, 57, businessman, at 15-anyos nitong anak na lalaki, kapwa naninirahan sa Barangay Canumay West, ng nasabing lungsod.

Ayon sa imbestigasyon nina PO2 Jeff Bautista at PO3 Marjun Tubongbanua, bandang 12:23 ng hatinggabi nang nagising ang binatilyo sa kumakatok sa kanyang kuwarto.

Nang buksan ng binatilyo ang pinto ay bumulaga sa kanya ang apat na suspek na naka-bonnet, at dalawa sa mga ito ang armado ng baril.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Iginapos ang batang Taiwanese sa loob ng kuwarto nito habang naghahalughog ang mga suspek sa kabilang silid, samantala palihim namang lumabas ng sariling kuwarto ang ama, kinalagan ang anak at nagkandado.

“Hindi na lumabas ng kuwarto ‘yung mag-ama at nagkulong na lang sa tindi ng takot, kaya malayang nakapagnakaw ang mga kawatan,” anang mga imbestigador.

Natangay ng mga suspek ang P650,000 cash, dalawang Rolex watch na P530,000 ang bawat isa, cell phone na nagkakahalaga ng P43,000, iPad na nasa P16,000, at laptop computer na nagkakahalaga ng P60,000.

Nagbigay naman ng 48 oras si Senior Supt. Poklay sa mga operatiba ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) para maaresto ang mga suspek.

-Orly L. Barcala