MULING binuksan ng mga pampublikong paaralan ang pintuan ng mga ito para sa tinatayang 23.4 na milyong mag-aaral sa buong bansa nitong Lunes. Sa nasabing bilang, 2.6 milyon ang kindergarten, 12.6 milyon ang nasa elementarya, 6.7 milyon sa junior high school, at 1.4 milyon sa senior high school.
Inaasahan namang magsisimula sa mga susunod na linggo at buwan ang klase ng 4.1 milyong mag-aaral sa mga pribadong paaralan. Magbubukas din ang state universities at colleges sa bansa. Ang kabuuang bilang ng lahat ng estudyante—pampubliko at pribado, mula kindergarten hanggang kolehiyo—ay tinatayang aabot sa 27.5 milyon, mula sa kasalukuyan nating populasyon na umaabot sa 105 milyon.
Katulad sa mga nakalipas, naharap din sa iba’t ibang problema ang mga opisyal ng paaralan nitong Lunes, at pangunahing problema pa rin ang kakulangan ng espasyo sa maraming paaralan. Sa kabila ng 10,401 silid-aralan na itinayo ng Department of Education (DepEd) mula Hunyo hanggang Disyembre, 2017, maraming paaralan ang napilitang hatiin ang kanilang klase sa dalawa, habang ang iba naman ay kinailangang gamitin ang madaliang itinayong kanlungan bilang silid-aralan.
Isa pang problema ang kakulangan sa mga guro, na sinusubukang solusyunan ng DepEd sa pamamagitan ng pagtanggap sa mahigit 75,000 karagdagang guro. Inaprubahan din ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbubukas ng dagdag na 40,000 posisyon para mga guro sa kindergarten at elementarya.
Nariyan din ang kakulangan sa mahigit 127.9 na milyong aklat sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Ginagawan ito ng paraan ng mga guro sa pamamagitan ng pagpapa-photo-copy ng mga kailangang aklat para sa kanilang mga mag-aaral.
Wala kaming pag-aalinlangan na makakahanap ng paraan ang ating mga opisyal, guro sa mga lungsod, bayan at barangay sa buong bansa upang masolusyunan ang problema sa espasyo ng mga silid-aralan at mga kagamitan sa pagtuturo. Mahihigitan nila ang kanilang tungkulin na bigyan ng kaalaman ang milyong Pilipinong mag-aaral na sa kabila ng kahirapan, ay pursigidong pumasok sa eskuwela.
Isa ito sa pinakamagiting nating tradisyon bilang isang bansa—pangunahing edukasyon para sa lahat ng bata, mataas na edukasyon para sa mga nagnanais nito, bilang ito ang susi sa mas magandang buhay. Milyun-milyong Pilipino ang nasa iba’t ibang bahagi ng mundo ngayon, na nagsisilbi bilang doktor, inhinyero, guro, computer expert, construction workers, kasambahay, at iba pa. Pinapahalagahan sila ng mga bansang kumukupkop sa kanila dahil sa kanilang edukasyon, lalo’t higit ang kanilang kaalaman at abilidad na makapagsalita sa wikang Ingles, ang lingua franca ngayon ng buong daigdig.
Inilunsad ng administrasyong Duterte ang pang-imprastrukturang programa na “Build, Build, Build” na magtatayo ng mga paliparan at daungan, kalsada at tulay, at iba pang istruktura na kinakailangan para sa pag-unlad ng ekonomiya. Tiwala kami na ang pagpapatayo ng mga gusaling pampaaralan at mga silid-aralan ay isa sa pangunahing layunin ng “Build, Build, Build” nang sa huli ang mga susunod pang pagbabalik-eskuwela ay hindi na mahaharap sa problema ng kakulangan sa silid-aralan, gaya ng naranasang muli nitong Lunes