MULING ipinahayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Magtolis Briones na pangunahing layunin ng programang K-12 ang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa at “not solely to provide immediate jobs for its graduates.”
Ito ay matapos lumabas ang ilang balita na sinasabing “the program is a failure” dahil karamihan ng nagsipagtapos ng senior high school ay hindi kaagad nakahanap ng trabaho dahil sa skills-job mismatch.
“It is because your assumption is every single senior high school student will have a job which is not correct because 61 percent or 700,000 to 800,000 of our graduates plan to continue on to college,” pahayag ni Briones sa press briefing nitong Lunes sa Quezon City High School.
Sinabi ni Briones na 28 porsiyento ng mga nagtapos, na kabilang sa technical vocational strand, ay natanggap kaagad sa trabaho dahil sa “work immersion or on the job training” na kinakailangan sa SHS.
“They have a certification from TESDA. Many of them passed the exam of TESDA kaya makakatrabaho na sila. ‘Yung iba kapag tinanong mo bakit sila nagtatrabaho, para maka-night class sila ulit, para makapag-aral sila ulit,”ani Briones.
Sa ilalim ng K-12 program, sinabi ni Briones na mas mabibigyan ng opsiyon at oportunidad ang mga estudyante upang mapaunlad ang kanilang edukasyon at kalidad ng pamumuhay.
“To those who will go to college, the chances are all up to their hard work since tuition is already free in state colleges and local universities,” aniya.
Sa naunang panayam, sinabi ni Assistant Secretary Nepomuceno Malaluan na ang programang K to 12, sa ikatlong taon ng implementasyon, ay nasa magandang posisyon na kung ikokonsidera ang mga imprastraktura, materyales at pagsasanay ng mga guro.
Ayon kay Malaluan, batay sa pinakahuling survey, ipinakikita na napababa ng SHS education ang porsiyento ng dropout sa high school.
“Before less than 50 percent of fourth year high school graduates go to college, now 93 percent of the SHS graduates will continue to college, this shows strong support from learners,” pagmamalaki niya.
Tungkol naman sa implementasyon ng programa, sinabi ni Malaluan na kailangang patatagin ng DepEd ang pakikipagtulungan nito sa mga komunidad at sa pribadong sektor upang maitugma ito sa kailangang manggagawa ng mga kumpanya.
Nitong Abril, tinatayang 1.252 milyon ang natapos ng SHS habang inaasahan naman ng DepEd ang 2.813 milyon ang papasok sa Grades 11 at 12 para sa school year 2018 hanggang 2019.
PNA