NAGKALOOB ng sports equipment ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng tanggapan ni Commissioner Charles Maxey sa grupo ng Kabugwason Paglaum Scholars Association nitong Miyerkules sa Lake Sebu, South Cotabato.
Pinangasiwaan ni Karlo Pates, PSC Executive Assistant at kumatawan kay Maxey, ang pagkakaloob ng nasabing sports equipments sa grupo ng Kabugwason, sa pangunguna ni Executive Director Ruel Ariego Bagunoc at ang presidente ng KPSA na si John Mark Rufino.
Kabuuang 50 bola ng basketball, 50 bola ng soccer, mga bola ng sepak takraw at net nito na may kasamang raketa ng table tennis at net ang naipamahagi ng PSC. Para magamit ng mga estudyante at kabataan sa naturang lalawigan.
Kumpiyansa si Maxey na makakatulong ang sports equipment sa pagpapalawig ng sports sa nasabing lugar at makahikayat nang mas maraming kabataan na ituon ang pansin sa pagsasanay sa kanilang mga napiling sports.
“I hope and I’m sure that these sports equipment will help the youth of Mindanao and get them involved in sports and become one of our future superstar,” pahayag ni Maxey sa ipinadalang mensahe.
Siniguro naman ni Bagunoc na makakarating sa mga batang atleta ang mga nasabing sports equipment na nilakipan pa ng mga kagamitan sa eskwela bilang ayuda sa pangangailangan ng mga estudyante.
“They’ve been requesting for these sports equipment for a long time. And definitely, these will really be of big help to them (scholars),” pahayag ni Bagunoc.
-Annie Abad