SA nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), naging malinaw na hindi na talaga maituturing na demokrasya ang umiiral sa Pilipinas. Bagkus, ang eleksyon ay ginawang “palengke ng bayan” na mistulang pista ng lakuan ng boto.
Isinasangla ng maraming kababayan natin ang kanilang budhi, isama na na rin ang dangal ng pagka-Pilipino, dahil ang sagradong balota ay tila inihalintulad sa isdang nakabilad sa merkado na maaaring bilhin ng tingi-tingi o por kilo (maramihan sa listahan), sa tamang halaga. Kahit sa sikat ng araw o dilim may gapangan at palitan. Wika nga “kaliwaan”, P500 para sa tatlong taong pagkaka-upo sa kapangyarihan.
Ang masakit na katotohanan ay wala nang silbi ang halalan dahil pera nalang ang nagpapagalaw sa mga kandidato at botante. Kahit na gamitan ng computer na Smartmatic o mano-mano ang eleksyon, kadalasang nagwawagi ang “highest bidder”. Kung gustong manalo ng isang kandidato, kailangan niyang magsugal ng mas-malaking halaga ng salapi sa Comelec, sabay pantapat sa kalaban, para makasigurong bumaligtad ang mga kaanib ng kalaban, at makikita ito sa resulta ng bilangan. Pati mga “watchers” o listahan ng kontra partido, niyayari din para wala ng magbantay sa presinto.
Maniwala kayo at hindi, ilang mga guro ay kasabwat din! Ano naman ang magagawa ng teachers na pawang empleyado sa mga pribadong paaralan na pagmamay-ari ng pulitiko? Walang iba kundi ang sumunod sa utos ng “boss” na papanalunin ang binabatang barangay chairman at SK. Sa isang barangay sa Cebu City na 45,000 ang botante, isang kandidato ang gumastos ng apat na milyong piso! Mistulang kapitalista na ang mga pulitiko. Sa mga bukid na barangay naman, ang bilihan ng boto P1,500 hanggang P2,000.
Wala ng konsyensyang maaaring magpapanalo sa mga matitinong kandidato dahil ang estratehiya ng kasamaaan ay bayaran ang listahan ng mga naninirhan sa mga bahay-bahay. Kapag hindi nasunod ang usapan, babalikan ng kandidato ang nagbenta ng listahan. Pati senior citizens, lumalaylay na rin sa paninindigan. Tinitinda na rin nila ang kanilang boto. Kwarta na ang kanilang tinututukan para sa “maintenance” ng kanilang gamot.
Bumalik tayo sa panahon ng Kastila na binibili ang posisyon. Ito ang malaking sarsuela sa Pilipinas. Disgrasya, hindi demokrasya.
-Erik Espina