MAGKASAMA na ngayon sina Dirty Harry at The Punisher sa isang partido. Si Dirty Harry ay si ex-Manila Mayor at ex-Senator Alfredo Lim. Si The Punisher ay si ex-Davao City Mayor at ngayon ay Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
Ayon sa mga ulat, sumanib na si Lim sa partido ni PRRD, ang PDP-Laban. Ito umano ay indikasyon na tatakbo si Dirty Harry sa pagka-Mayor ng Maynila sa 2019 laban kay Asyong Salonga, aka ex-Pres. Joseph Estrada at ngayon ay Manila Mayor.
Ayon sa mga taga-Maynila, muling tatakbo si Erap bagamat noon ay siniguro niya kay ex-Vice Mayor Isko Moreno, na isang termino lang siya at hahayaan niya si VM Isko ang tumakbo. Hindi nangyari ito. Dahil dito, naiwan si Isko sa kangkungan.
Tinawag na “Dirty Harry” si Lim nang hirangin siya ni ex-Pres. Cory Aquino bilang hepe ng National Bureau of Investigation (NBI). Ipinatupad niya noon ang “uncompromising stance” laban sa kriminalidad. Maraming Nahuli at tumimbuwang na mga kriminal noon.
Tinawag namang “The Punisher” ng Time Magazine si Mano Digong sa 2000 article nito nang siya ang Mayor ng Davao City. Sa naturang artikulo na-quote si Lim na “kung mayroon pang 20 alkalde sa Pinas tulad ni Duterte, bubuti ang peace and orders sa bansa”.
Siyanga pala, pinuri kahapon ni Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron ang paglagda ng Pangulo sa “Ease of Doing Business Bill” bilang batas na kanyang inakda. Ayon kay PRRD, dapat ay matagal na itong pinagtibay (RA11032) para susugan ang Anti-Red Tape Act.
Ayon kay Biron, chairman ng House committee on trade and industry, inuutos ng batas sa mga ahensiya ng gobyerno na aksiyunan agad ang mga aplikasyon sa pagtatayo ng negosyo sa loob ng tatlong araw para sa mga simpleng transaksiyon, pitong araw para sa mahirap at 20 araw para sa highly technical. Nagbabala si PDu30 na tatanggalin niya ang mga “tamad at nakatungangang kawani” na walang ginagawa sa maghapon kaya nagtatagal ang transaksiyon.
Sinabi ni Biron na layunin ng “ease of doing business act” na gawing kaaya-aya, simple at mabilis ang kapaligiran ng negosyo sa bansa. Nag-aatas ito ng isang unified application form para sa local tax, building clearances, sanitary at zoning clearances.
Idinagdag pa niya na itatatag ang isang one stop shop sa bawat siyudad o bayan at lokal na pamahalaan at hihikayating maging automated ang sistema sa pagproseso ng permiso at lisensya. Aatasan ang Dept. of Information and Communication Technology na magtatag ng isang government portal sa pagtanggap ng aplikasyon mula sa mga negosyo.
Binira ni PRRD ang UN Special rapporteur na si Diego Garcia-Sayan dahil umano sa maaanghang na remarks nito hinggil sa role o papel ng Pangulo sa pagpapatalsik kay SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Sinabihan niya si Garcia-Sayan ng “Go to hell.” Ayaw ng ating Pangulo na nakikialam ang mga dayuhan sa PH affairs.
-Bert de Guzman