Bahagyang nabawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas, makaraang makapagtala ng 5.5 porsiyentong unemployment rate sa bansa noong Abril.
Ang nasabing bilang ay mas mababa kumpara sa 5.7 porsiyentong naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Bagamat bumaba ang unemployment rate, inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas naman ang underemployment rate, o bilang ng mga taong may trabaho na pero nais pang magkaroon ng karagdagang hanapbuhay.
Mula sa 16.1 porsiyento noong Abril 2017, tumaas ang underemployment rate sa 17 porsiyento ngayong taon.
Noong nakaraang buwan lang ay inihayag ng World Bank na maituturing na “crucial” ang pagtugon ng gobyerno sa problema sa underemployment para maibsan ang kahirapan sa bansa.
-Beth Camia