SEOUL – Inaasahang bababa na ang presyo ng produktong petrolyo at ng bigas dahil pinaniniwalaan ni Department of Finance (DoF) Secretary Carlos Dominguez III na ang pagsirit ng inflation rate sa 4.6 na porsiyento nitong Mayo ay “sign of levelling off” at tuluy-tuloy nang bababa.
Tiniyak ni Dominguez sa mga Pilipino na pababa na ang inflation rate ng bansa makaraang pumalo ito sa 4.6% noong nakaraang buwan.
“It seems to me that the inflation rate is, I hope, levelling off. I think this is a sign of levelling off and probably dropping,” sinabi ni Dominguez nang humarap sa press conference kaugnay ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa South Korea.
“In the second half of the year, the inflation should be on the downtrend. In fact the estimate for the inflation for next year is below 4 percent,” paliwanag ng kalihim.
Aniya, ang pandaigdigang presyo ng petrolyo ay nasa “downtrend” na, batay sa monitoring ng pamahalaan.
Sinabi ni Dominguez na ang mga susunod na delivery ng petrolyo ay “actually lower than the current prices”. Dahil dito, “we are seeing that trend doing down”, aniya pa.
Dagdag pa ng kalihim, ang pag-uusap ng Amerika at North Korea sa Hunyo 12 ay “going to calm the markets quite a bit”. Nagpahayag din siya ng pag-asam na ang Gitnang Silangan ay magiging “calmer than what it has been past few weeks so fuel prices would not be too volatile”.
Sinabi naman ni Trade Secretary Ramon Lopez na inaasahan ding bababa ang presyo ng bigas sa pagdating ngayong buwan ng mga rice imports.
Dahil sa karagdagang imbak, sinabi ni Lopez na maibebenta na uli ang bigas ng National Food Authority (NFA) ng P27-P32—na magbubunsod din sa pagbaba ng presyo ng commercial rice.Ayon pa kay Lopez, masusing nagmo-monitor ang DTI sa presyo ng mga bilihin, upang matiyak na naipatutupad ang napagkasunduang suggested retail prices.
“I would like to emphasize that TRAIN is not the sole reason for the increase in inflation. The effect of high global oil prices driven by unfavorable geopolitical events, along with the import quotas on rice have affected prices on a much larger scale,” paliwanag ni Lopez.
-Genalyn Kabiling