Ganap nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) sa silangan ng Mindanao, habang isa pang sama ng panahon ang namumuo sa silangan ng Luzon kahapon.

Tinaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong ‘Domeng’ sa 675 kilometro sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar, na may lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour (kph), at bugsong nasa 60 kph bago magtanghali kahapon.

Ayon kay Shelly Ignacio, weather specialist, “very small” lang ang posibilidad na mag-landfall ang Domeng, bagamat magdudulot ito ng malakas na ulan sa silangang bahagi ng bansa hanggang sa weekend.

Inalerto sa baha at landslides ang mabababang lugar o kabundukan sa Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Samar, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Compostela Valley, Davao del Norte, Davao Oriental, at Davao del Sur.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tinatayang ngayong Miyerkules ay nasa 745 kilometro na ang Domeng sa silangan ng Catarman, Northern Samar, nasa 630 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora sa Huwebes ng umaga, 490 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan sa Biyernes ng umaga, at nasa 565 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes pagsapit ng Sabado ng umaga, hanggang tuluyang lumabas sa bansa sa Linggo.

Bago pa man naging bagyo, itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng iba pang regional DRRMC ang Blue Alert dahil sa sama ng panahon.

Nasa heightened alert na rin ang buong puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG), na nakikipag-ugnayan na rin sa pulisya, sa Philippine Ports Authority at Marina upang bigyang babala ang mga pumapalaot.

-Ellalyn De Vera-Ruiz, Francis T. Wakefield, at Beth Camia