Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
10:00 n.u. -- Army vs Cignal (men’s)
12:00 n.t. -- Air Force vs Vice Co. (men’s)
4:00 n.h. -- Creamline vs Iriga-Navy (women’s)
6:00 n.g. -- PayMaya vs BaliPure (women’s)
TATANGKAIN ng Iriga-Navy at BaliPure na maibalik ang winning ways para makabuwelo patungo sa quarterfinal round sa pagsabak kontra outright semifinalists Creamline at PayMaya sa pagtatapos ngayon ng elimination round ng Premier Volleyball League (PVL) Season 2 Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Galing ang Cool Smashers at High Flyers sa paggapi sa BaliPure Water Defenders at PetroGazz Angels, ayon sa pagkakasunod nitong Sabado na nagbigay sa kanila ng outright berths sa Final Four.
Sisikaping bumangon ng Lady Oragons, mula sa limang sunod na pagkabigo matapos ang natamong opening game victory kontra Water Defenders.
Kontra kay Alyssa Valdez at sa buong koponan ng Cool Smashers kailangan nilang doblehin ang kanilang effort sa kanilang pagtatapat ngayong 4:00 ng hapon.
Tatangkain naman BaliPure, na bumangon sa binagsakang dalawang dikit na pagkabigo sa pagtutuos nila ng PayMaya ngayong 6:00 ng gabi.
Pipilitin nina Imports Janisa Johnson at Alexis Matthews na mapigil ang kanilang PayMaya counterparts na sina Tess Rountree at Shelby Sullivan na inaasahang susuportahan nina Jerrili Malabanan, Aiko Urdas, Celine Domingo, Lizlee Ann Pantone at Gretcel Soltones.
-Marivic Awitan