Ilang sasakyan ang nasunog sa pagsiklab ng apoy sa isang impounding area sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City kamakalawa.
Sa ulat ng Pasig City Police, nagliyab ang TORO Impounding area na matatagpuan sa Sandoval Avenue, sa Bgy. Pinagbuhatan dakong 11:30 ng gabi.
Ayon sa guwardiyang si Raul Jolejole, posibleng ang naiwang baga mula sa pinutol na bahagi ng mga sasakyan ang pinagmulan ng apoy.
“Nagcu-cutting kasi sila. Gumagamit ng acetylene. Baka naiwanan ‘yung apoy nun,” sabi niya sa awtoridad.
Tumagal ng kalahating oras ang sunog na naapula ng mga bumbero pagsapit ng 12:08 ng madaling araw kahapon.
Walang iniulat na nasaktan sa insidente habang inaalam ang kabuuang halaga ng natupok.
-Mary Ann Santiago