MADALAS ‘di ko mapigil na matawa, kapag nagbabasa ako ng mga hugot, reklamo, komento at request na ipinadadala sa email at text ng mga tumatangkilik sa kolum kong ito.

Karamihan sa mga naisulat ko ay batay sa mga sumbong na ito matapos kong mag-imbestiga at mapag-alaman na may “malaking tama” naman pala ‘yong nagpadala.

Gaya nang tatalakayin ko sa inyo ngayon na mula pa sa Mindanao, sa Visayas at dito sa Metro Manila – ang tungkol sa pamamayagpag ng “illegal gambling” o mas kilala ng mga pulis sa katawagan nilang “1602” dahil ito pa rin naman ang kanilang HARIMUNAN, saan mang lupalop ng Pilipinas!

Bakit ‘di ko sasabihing namamayagpag pa rin, eh kabi-kabila ang nagte-text sa akin na nanghihingi ng kombinasyon ng mga numero na tinatayaan daw nila sa “loteng” at “EZ-2” sa kanilang mga lugar. Medyo kasalanan ko rin yata dahil minsan, sa kakulitan nung nanghihingi ng mga numero ay nakatuwaan kong bigyan ng kombinasyon na bigla ko lang naisip – imbento kung baga – na kinabukasan ay suwerteng nagbigay naman ng tama sa nag-text sa akin. Dito na ako nag-umpisang putaktihin ng text mula sa mga adik sa “illegal gambling” sa iba’t ibang panig ng bansa.

May isa pa nga na nagsabing isinama niya raw ako ng 10 piso sa itinaya niya kaya “may tama” rin ako. Yun lang dahil sa hindi niya raw alam kung paano ipapadala sa akin ay “pinagulong” na lang daw muna niya ang pera para lumago, pero naubos din agad makalipas ang ilang araw dahil daw hindi ko siya pinadalhan ng “sure winner” na kombinasyon gaya nung una kong nai-text sa kaniya!

Dito sa Metro Manila, mas marami ang nagsusumbong hinggil sa “illegal gambling” sa kanilang lugar na sa tantiya ko karamihan ay babae dahil ang inirereklamo ay ang pagiging adik sa sugal ng kanilang asawa at anak na estudyante pa lamang ay mga mananaya na raw – dapat daw ipatigil na itong totoo ng mga pulis dahil dagdag pasanin ito sa kanilang naghihirap nang buhay!

Ang tumawag sa aking pansin na magkakasunod na sumbong, ay galing sa isang taga-barangay Caloocan City. Kakaiba kasi ang reklamo ng mga texter – na sa palagay ko ay mga “bet collector” – na hina-harrass naman ng pulis, na may ka-tandem pang mga ahente raw ng National Bureau of Investigation (NBI). Pinapahirapan daw sila ng mga “patong” sa kakumpitensiya nilang “Loteng” at “EZ-2” na ang operator ay ang may “franchise” ng legal na STL sa kanilang barangay.

Pinangalanan nila ang mga ito na sina alyas “Cesar A” at “Jojo B” na ginagamit lang na FRONT ang kanilang legal na prangkisa upang makapag-operate naman ng walang huli, ng kanilang sariling illegal na “Loteng” at “EZ-2”, na ang humahawak naman ay si “Raymond O” sa kanilang barangay sa Caloocan City. Kasama raw sa mga ito ang isang nagngangalang “Arkangel” na kahit peke namang pulis ay masahol pa raw sa mga tunay na awtoridad kung mamusabos ng mga nakatira sa nire-raid na bahay!

Kinumpirma ko sa kaibigan kong “intel operative” sa Caloocan City ang mga sumbong. Nakatikim muna ako ng kantiyaw at sermon nito – sa biglang pagiging interesado ko sa “1602” -- bago niya kinumpirma at idinetalye ang tunay na estado ng “illegal gambling” sa Metro Manila.

Front lang talaga ng mga “gambling lord” sa mga barangay ang “franchise” ng STL para sa kanilang illegal na operation ng “Loteng” at “EZ-2” at alam ito ng mga pulis, kasi ito pa rin ang HARIMUNAN nila hanggang sa ngayon!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.