Hindi niresolba kahapon ng Supreme Court (SC) ang mosyon na inihain ni Maria Lourdes P. A. Sereno na humihiling na baligtarin ang desisyon noong nakaraang buwan na nagpapatalsik sa kanya bilang Chief Justice at pinuno ng hudikatura.
Sa halip, nagpasya ang SC, sa full court session nito, na obligahin si Solicitor General Jose C. Calida, ang quo warranto petition laban kay Sereno ay pinaboran ng Mataas na Korte sa botong 8-6, na magsumite ng kanyang komento sa loob ng limang araw na matanggap niya ang notice.
Nakasaad sa resolusyon ng SC na: “In the matter of G.R. No. 237428 (Republic of the Philippines represented by Solicitor General Jose Calida v. Maria Lourdes P.A. Sereno), the Court directed the Solicitor General to comment on respondent’s ad cautelam motion for reconsideration within a non-extendible period of five days from notice.”
Matapos matanggap ang komento, ire-reschedule ng SC ang deliberasyon sa mosyon. Sinabi ng sources na maaaring maitakda ang deliberasyon sa ikatlong linggo ng buwang kasalukuyan.
Noong Mayo 11, walo sa 14 na mahistrado ng SC ang bumoto para patalsikin si Sereno bilang punong mahistrado at pinuno ng hudikatura dahil sa kabiguan nitong makasunod sa requirements ng Judicial and Bar Council (JBC) na magsumite ng 10-taong Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALNs) nang mag-apply siya para sa posisyon ng chief justice. Anim na mahistrado ang kumontra.
Nakasaad sa desisyon na ang kabiguan ni Sereno na magsumite ng kanyang SALNs ay nangangahulugan na “her integrity was not established at the time of her application” at siya ay ineligible na humawak sa kanyang posisyon.
-Rey G. Panaligan