BIHIRA sa isang player na makakita ng linaw sa mga nakaraang talo pero ito naman ang naging kaso nina Ginebra point guard LA Tenorio at resident import Justin Brownlee.

Matapos ang masaklap na 104- 97 overtime loss sa San Miguel Beer Linggo ng gabi sa MOA Arena, tiwala pa sina Tenorio at Brownlee sa kanilang tsansa sa kabila ng pagtala lamang ng isang panalo sa anim na laro sa ongoing PBA Commissioner’s Cup.

Bago pa ang kabiguan sa Beermen, yumukod na ang Ginebra sa Meralco Bolts, 93-82 noong Biyernes na nagsilbi naman na conference debut ni Brownlee.

“Tonight was definitely a tough loss but tonight I think there were lots of improvement from Friday’s game,” ani Brownlee “Tough loss but we can build on further. Of course nobody wants to be 1 and 5 but we’re still confident.”

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Aminado man si Tenorio na sabog pa ang kanilang opensa, mayroon naman umanong dahilan na makontento sila sa kanilang performance sa depensa.

“Medyo ok yung defensive namin, we went back to basic this weekend so I think may maganda kaming nakikita defensively,” pahayag ni Tenorio “Offensively medyo scattered pa kami kasi Friday was the first game of Justin and this is his second game. Dalawang big games pa.”

Tila mahirap paniwalaan sa una ang pahayag ni Tenorio lalo na kung titignan ang numero ng Beermen kung saan pinangunahan ito ni import Renaldo Balkman (27 points, 11 rebounds) at binudburan pa ng impresibong numero nina JuneMar Fajardo (24 pts, 19 rebs), Arwind Santos (19 pts, 8 rebs), Marcio Lassiter (11pts, 8 rebs) at Chris Ross (10pts).

Sa kabla nito ay nakatuon na ang pansin ni Tenorio sa kanilang mga darating na laro.

“Every game is a do-or-die for us and hopefully yung ‘Never Say Die’ spirit lumabas starting next game,” ayon kay Tenorio ‘There’s room for improvement for us but the margin for error now is really minimal.”

Susunod na makakalaro ng Ginebra ang NLEX sa isang out-of-town game ngayong Sabado at kakalabanin ang Magnolia (June 17), Columbian Dyip (June 20), Alaska Aces (June 24) at Globalport (July 6) sa pagkumpleto ng kanilang elimination round assignments.

-DENNIS PRINCIPE