“ANG pagpapatalsik kay Chief Justice Sereno ay lumikha ng klima ng pananakot sa Korte Suprema at sa lahat ng kasapi ng hudikatura,” ayon kay UN special rapporteur Diego Garcia-Sayan on the independence of judges and lawyers. Sinabi niya ito sa panayam sa kanya ng The Associate Press nitong nakaraang Huwebes habang narito siya sa bansa para dumalo sa isang pagtitipon. Imposible at imoral, aniya, na siya ay manatiling tahimik bilang UN rapporteur kapag ang chief justice ng anumang bansa ay basta na lang aalisin sa pwesto. “Kapag napakadaling patalsikin ang chief justice, lahat ay makikisama na sa nagpatalsik, dito na natatapos ang kalayaan ng hudikatura at magbubukas ng daan para sa pagabuso ng kapangyarihan. Ang checks and balances ay magwawakas. Ito ay magbubunga ng paglabag sa karapatang pantao, kurapsyon at abuso ng kapangyarihan dahil ang checks and balances ay mahalaga sa pagkontrol ng mga taong may lubos na kapangyarihan laban sa tukso”. Paliwanag ng UN rapporteur.
“Hindi siya natatanging tao. Hindi ko kinikilala ang kanyang rapporteur title. Sabihin sa kanya na huwag siyang makikialam sa gawain ng aking bansa. He can go to hell,” ito lang ang sagot ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Ninoy Aquino International Airport bago lumipad patungong South Korea.
Ang naging batayan ni Garcia-Sayan sa kanyang sinabi ay ang publikong banta ni Pangulong Duterte na si Sereno ay kanyang kalaban. Kaya, kahit sinong ituring na kalaban ng Pangulo, kay Garcia-Sayan, ay sasapitin ang sinapit ni Sereno. Sa motion for reconsideration na isinampa ni Sereno na humihiling sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon nito sa quo-warranto na nagpapatalsik sa kanya, ang kanyang katwiran ay ang mga tinuran ng UN rapporteur. Ito ang rule of law, ito ang demokrasya. Hindi naaayon sa rule of law na kapag may itinakda ang batas para sa isang insidente ay ibang batas ang gagamitin.
Kaya, kung sinabi ng batas na impeachment ang magpapatalsik sa impeachable officer, impeachment lang. Hindi quo warranto na siyang ginamit laban kay Sereno. Hindi rin naaayon sa rule of law na ang kalaban mo o kaya ang may kinikimkim na galit sa iyo ay siyang hahatol sa iyo. Iniiwasan ito kasi laging naroroon ang tukso na gumanti ka. Likas ito sa tao. Kahit sabihin niya na nakalimutan na niya ang nakaraan at patas niyang titimbangin ang lahat ng konsiderasyon sa kanyang gagawing paghatol, mahirap itong paniwalaan kahit totoo.
Sa mga hukom na maggagawad ng katarungan, ang korte Suprema mismo ang nagsabi, hindi lang siya patas, kundi may itsura siyang patas. Paano mong pananaligang patas humatol sina Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Samuel Martirez at Francis Jardeleza, eh inihayag na nila ang kanilang sama ng loob kay CJ Sereno nang tumestigo sila sa House Committee on Justice, na duminig sa impeachment complaint laban kay Sereno.
Sa motion for reconsideration ni Sereno, binigyan ng pagkakataon ang limang mahistrado na baguhin ang pagtanggi nilang mag-inhibit sa naunang motion for disqualification laban sa kanila. Kailangang bitiwan nila ang kaso para sila ang manguna sa nais nilang ipagawa sa mga abogado. Para sundin ng mga abugado ang itinuturo sa kanila na legal at judicial ethics sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE).
-Ric Valmonte