IPINANGAKO noon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kahit alingasngas lang ng kurapsiyon (whiff of corruption), gugulong ang ulo ng mga puno ng departamento, tanggapan, at ahensiya ng gobyerno. At ito ay tinutupad niya ngayon kasabay ang mura o *son... of a b....*
Tunay, kung gusto nating bumula ang bibig sa galit at lalong magmura ang ating palamurang Presidente, sumangkot o makisangkot sa ano mang uri ng anomalya at katiwalian ang hinirang niyang mga pinuno sa pamahalaan.
Kailan lang, sinibak ni Mano Digong ang puno ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) at ang Deputy commissioner ng Bureau of Customs (BoC) dahil sa malimit na pagbibiyahe sa ibang bansa, tulad ng Europe. Sabi nga ni PRRD, siya mismo ay hindi pa nakapaglakbay sa Europe kundi stop-over lang.
Sa puntong ito, nagtataka ang publiko kung bakit atubili siyang tanggalin sa puwesto si Solicitor General Jose Calida bunsod ng mga alegasyong ang security agency ng pamilya ay nakakuha ng P150 milyong kontrata sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan. Ipinagtanggol pa ni PRRD si SolGen Calida sa kontrobersiyang ito.
Para kay PDu30, walang dahilan para sibakin niya si Calida dahil lang sa siya ang majority owner ng security agency ng pamilya na naka-corner ng multi-million-peso contracts sa gobyerno. Ayon sa Pangulo, matagal nang may security agency si Calida bago pa tumanggap ng posisyon. “Siya ay mabuting tao. Siya ay taga-Davao rin pero siya ay isa ring Ilokano,” badya ng Pangulo.
Pasado na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa dalawang kapulungan. Pagkatapos ng bicameral committee report approval at ratipikasyon, dadalhin ito sa tanggapan ng Pangulo para pirmahan upang maging ganap na batas. Sasailalim ang BBL sa isang plebisito upang ang mga mamamayan ang pinal na magpatibay rito. Sana ay maging instrumento ito ng pagkakaroon ng kapayapaan at pagwawakas ng kaguluhan sa Mindanao.
Umaasa ang sambayanang Pilipino na sa pamamagitan ng BBL na lilikha ng isang Autonomous Region for Bangsamoro (ARB), dadapo na rin sa sanga ang ibon ng KAPAYAPAAN AT KAUNLARAN sa buong Mindanao upang ito’y maging isang TUNAY NA LUPA NG PANGAKO.
-Bert de Guzman