Opisyal nang nagpalitan ang Pilipinas at Japan ng diplomatic notes na nagpapabatid sa isa’t isa na nakumpleto na ang kani-kanilang constitutional requirements para maipatupad ang “Agreement between the Republic of the Philippines and Japan on Social Security.”

Nangyari ito matapos magdesiyon ang gobyernong Japanese na pagtibayin ang policy plan na kumuha ng 500,000 banyagang manggagawa hanggang sa 2025 para punan ang kakulangan sa unskilled labourers sa mga larangan ng agrikultura at konstruksiyon.

Sa pahayag na inilabas nitong weekend, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na simula sa Agosto 1, 2018 ang Filipino at Japanese nationals ay kapwa sasakupin ng social security benefits sa alinman sa dalawang bansa.

Ayon sa DFA, sa kasalukuyan ang mga empleyado na ipinadala ng Japan sa Pilipinas at vice versa ay isinasailalim sa compulsory coverage ng social security systems ng dalawang bansa.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Sa ilalim ng kasunduan, itatatag ang eligibility para tumanggap ng pension sa bawat bansa “by totalizing the periods of social security coverage in both countries.”

Ipinaliwanag ng DFA na sa sandaling magkabisa ang kasunduan, ang mga empleyado na temporarily dispatched sa loob ng limang taon o mas maikli pa sa ibang bansa, ay sakop lamang ng pension system ng bansa kung saan ipinadala ang empleyado.

Inaasahang mababawasan nito ang pasaning ipinapatong sa mga kumpanya at empleyado, at pabibilisin ang people-to-people and economic exchanges ng Pilipinas at Japan.

Niratipikahan ng National Diet (Legislature) of Japan ang kasunduan nitong Abril 2016.

Batay sa datos mula sa Philippine Embassy sa Tokyo, mahigit 250,000 Pilipino ang kasalukuyang naninirahan o nagtatrabaho sa Japan. Mahigit 200,000 sa kanila ay permanent migrants, habang tinatayang 50,000 ang temporary migrants.

-Roy C. Mabasa