PASUKAN na naman sa eskwela. Tinatayang may 28 milyong mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong mga paaralan ang nakatakdang pumasok ngayon at sa susunod na ilang araw sa buong bansa upang “dumukal ng karunungan”, ‘ika nga.
Tiyak magsisikip na naman ang mga lansangan dahil sa dami ng mga sasakyan lulan ang mga mag-aaral at magulang. Tiyak din na mapupuno ng iyakan at palahaw ang mga silid-aralan dahil ayaw ng mga bata na iwanan sila ng mga magulang.
Ayon sa ulat, may 482 pribadong paaralan ang nagtaas ng matrikula pero sa mga balita, 170 paaralan ang pinayagang magtaas ng singil. Maraming magulang ang dumaraing sa taas ng matrikula, mga libro, uniporme at iba pa, lalo na ngayong ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng Duterte administration ay nananagasa.
Bukod sa TRAIN ni PDu30, sinisisi rin sa patuloy na pagtaas ng pangunahing mga bilihin ang pagsikad ng presyo ng crude oil sa world market, paghina ng piso laban sa dolyar, at profiteering ng mga tuso at ganid na negosyante.
Tinaasan ng mga manufacturer ang presyo ng school supplies, lalo na ang paper-based products o papel, bunsod ng mataas daw na presyo ng raw materials na inaangkat pa sa China. Pitong uri o brand ng composition, writing at spiral notebooks ang sumirit ang presyo sa pagitan ng P1 hanggang P4. Dalawang brand ng lapis o pencil ang tumaas din ang presyo ng P4.50 at P1, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI), karamihan sa brand ball pens ay hindi nagtaas ng presyo mula noong isang taon maliban sa tatlo na nag-adjust ng presyo mula sa P1 hanggang P6. Dalawang brand ng crayons ang nagtaas ng P2 hanggang P10 para sa mga kahon ng Regular No. 8, Regular No. 6, at Jumbo 8.
Sabi nga ni Tata Clemen Bautista, naging propesor ng Filipino sa La Salle Greenhills na nagturo ng dalawang nobela ni Rizal-- Noli Me Tangere at El Filibusterismo--- ang edukasyon ngayon sa Pilipinas ay nagiging isang business venture na o negosyo, na ang layunin ay kumita at magkamal ng malaking tubong salapi. Sabi ko nga sa kanya, baka magalit si Pilosopo Tasyo, dumipa sa langit at sumigaw ng “Mga p*** ina...nyo...Tamaan sana kayo ng kidlat at masunog ang inyong kaluluwa at kayamanan”.
Si Solicitor General Jose Calida ang naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court para mapatalsik si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Siya naman ngayon ang nasa “hot seat” dahil sa bintang na na-corner ng security agency ng kanyang pamilya ang P150 milyon kontrata sa ilang ahensiya ng gobyerno. Ito ba ang karma?
Remember, nagamit si ex-Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima. Pero si Aguirre ay sinibak din ni Mano Digong. Si SolGen. Calida ay nagamit din sa pagpapalayas kay Sereno sa SC, sapitin din kaya niya ang naging kapalaran ni Sec. Vits? Nagtatanong lang!
-Bert de Guzman