NAHAHARAP ngayon ang Europa sa isang problema na maaari ring maging problema ng Pilipinas at ng iba pang mga bansa sa mabilis na pagbabago ng mundo.
Sa loob ng maraming taon, nagawang ipadala ng mga bansa sa Europa ang milyong toneladang basura na karamihan ay mga plastik, papel at tela sa China kung saan napupunta ito sa ilang recycling company na ang negosyo ay pagpoproseso ng mga basura mula sa ibang bansa upang muling magamit na materyales.
Noong 2016, kalahati ng mga nakokolektang plastik na basura ng European Union ay iniluluwas, kung saan 85 porsiyento rito ang napupunta sa China. Nasa 95% na plastic na basura ang ipinadala ng Ireland sa China. Sinusundan ito ng Estonia, Gemany, Britanya, Denmark, France, Spain at Belgium na nagluluwas din ng mga basura.
Hunyo ng nakaraang taon, inanunsiyo ng China ang desisyong pagpapatigil ng pag-angkat ng mga recyclable na basura mula sa ibang mga bansa na ipinatupad makalipas ang anim na buwan - nitong Enero 1, 2018. Ito ay dahil sa dumi ng mga basura na nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran ng China. Ang pagpapatigil na ito ay nagdulot ng “catastrophic environmental problem” sa mga bansa sa Europa na dati nang nagluluwas ng kanilang mga basura na napilitang bumalik sa pagsunog at paggamit ng landfill.
Ang European Union, na ang himpilan ay nasa Brussles, Belgium, ay naghahain ngayon ng panukala na ipagbawal ang mga produktong plastik tulad ng mga cotton buds, straw, at stirrer. Binatikos ang panukalang ito dahil sa umano’y pagiging maliit at huli na.
Ngayong ilang dekada na ang nakalipas, tila naging tambakan na ng plastik na basura ang mga karagatan ng mundo. “More and more, it is becoming a health problem because it is degrading, going to little chips, fish are eating it, and it is coming back to our dinner table,” pahayag ni European Commission Vice President Jyrki Katainen. Binabalak ngayon ng komisyon na magpataw ng buwis sa kapaligiran—buwis na ipapataw sa produksiyon ng plastik na nagiging sanhi ng polusyon.
Nagkasundo ang European Parliament at ang European nation na magtakda ng isang legal na may bisang tunguhin sa mga bansa upang i-recycle ang 55% ng plastic packaging na basura sa 2030. Nais din ng EU na maging recyclable ang mga plastic packaging.
Tayo sa Pilipinas ay hindi pa umaabot sa kasalukuyang estado ng pag-aalala at pangamba ng mga bansa sa Europa ngunit kinakailangan na nating simulan ang hakbangin upang mabawasan ang paggamit at pagdepende sa mga ibinebentang plastik. Marami tayong makikita kahit saan—ang plastic bag na ginagamit upang bitbitin ang ating mga pinamili sa mga supermarket, ang plastik na kutsara at tinidor sa mga kainan, plastik na bote para sa mga pampaganda, gamot at iba pang kagamitan, ang mga gamit natin sa bahay, ang katawan ng mga sasakyan, ang TV , computer at marami pa.
Bago tayo umabot sa estado ng desperasyon na nararanasan ngayon ng Europa, dapat natin tingnan ang sarili natin sa malawakang paggamit ng plastik at simulan ang pagbabalik-loob sa mga dati ng kagamitan na marami sa ating bayan—ang buri, cotton, ramie, pina, jusi na tela, abaca at marami pa. Kailangan ding pagtuunan ng ating mga eksperto ang paglikha ng mga plastik na nabubulok.