NASA kabuuang 4,279 na suspek sa ilegal na droga na ang napatay, habang 143,335 naman ang naaresto simula noong 2016, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikalawang anibersaryo ng #RealNumbersPH, isang pagtitipon na inorganisa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

“These are the real numbers,” pahayag ni PCOO Secretary Martin Andanar. “All else other than these are either false, manufactured, or fake.” Ayon sa PCOO mahalagang magkapagbigay ng ulat sa gitna ng hindi nagtutugmang mga numero, tulad ng ilang organisasyon mula sa international human right na nagsasabing umabot na sa 12,000 ang bilang ng mga namatay.

Bahagi ng rason sa kontrobersiyang ito ang kabiguan ng Philippine National Police sa inisyal na bahagi ng kampanya na makapagbigay ng komprehensibong bilang ng kabuuan, kahit pa iniuulat nila ang tala ng mga napatay sa ilang operasyon sa buong bansa, na sinasabing “nanlaban” ang mga biktima.

Nang isampa ang kaso sa Korte Suprema tungkol sa pagpatay sa tinatayang 4,000 suspek, inutusan ng Korte si Solicitor General Jose Calida na ipasa ang record ng pulisya ng mga namatay, ngunit iginiit nito ang isyu ng seguridad. Naging dahilan ito upang mas lumakas ang paghihinala tungkol sa mga napatay.

Nitong Miyerkules, laman ng balita ang bansang Bangladesh sa Timog ng Asya matapos ang dalawang linggo pagpapatupad ng “Philippine-style narcotics crackdown” na nagtaas ng pangamba sa extrajudicial killings. Sinabi ni Home Minister Asaduzzaman Khan na “no question” na ang mga namatay ay mga drug dealer bilang tugon sa alegasyon ng grupo ng human right na nagsasabing mga inosenteng tao ang nasawi. “Most of those killed had guns,” ani Khan. “They opened fire as soon as they saw the police.”

Hindi kataka-takang inilarawan ang ulat sa Bangladesh na “Philippine-style” ang paraan dahil sa– “nanlaban.” At nagpahayag din ng “grave concern” ang Human Rights Commission sa umano’y extrajudicial killings.

Sa dalawang linggo nang operasyon ng mga pulis sa Bangladesh, tinatayang 100 ang iniulat na namatay. Malayo ito sa 4,279 na ang namatay sa Pilipinas base sa PDEA.

Tayo sa Pilipinas ay tinanggap na ating kampanya laban sa ilegal na droga bilang kinakailangan sa harap ng matinding panganib ng droga na hindi inakala ng sinuman na napakalawak na ng naapektuhan. Anumang maling nagawa sa nakalipas ay naitama na ngayon, sa pangunguna ng PDEA sa pambansang kampanya, na tinutulungan ng PNP sa bago nitong liderato.

Umaasa kami sa regular na ulat sa pamamagitan ng #RealnumbersPH, kumpiyansa na sa tulong ng maraming organisasyon na nakikipagtulungan sa isa’t isa dito sa pagtitipong itinaguyod ng PCOO at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, makukuha natin ang tunay na bilang at hindi lamang ang pinangangambahang numero sa pagpapatuloy ng kampanya upang sugpuin ang mapanganib na droga.