LIMAY, Bataan – Patay ang isang opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) habang sugatan ang isa pang opisyal ng ahensiya sa pananambang sa isang highway dito, nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang napatay na si Froilan Abella, acting Port Manager ng PPA, ng Bacoor, Cavite; habang si Jocelyn Reyes, 49, Procurement Officer/ Acting Admin Chief ng PPA, residente ng San Nicolas, Cavite, ay sugatan sa pamamaril ng mga armado.

Sa imbestigasyon, sina Abella, Reyes at driver na si Christian Reyes (mag-asawa) ay galing sa trabaho sa PPA Lamao at pauwi na sa Cavite sakay sa Toyota Fortuner.

Pagsapit sa tapat ng BPI, Petron clinic bandang 5:30 ng hapon, sumulpot ang isang SUV at pinaputukan ng mga suspek ang sasakyan ng biktima.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Tinarget ng mga armado, na lumalabas na professional killers, si Abella na makailang beses pinaputukan nang malapitan.

Tinamaan din si Christian Reyes sa paulit-ulit na pamamaril ng mga suspek na armado ng caliber 45 at 9mm.

Sa imbestigasyon, nasa 20 bala ang pinakawalan ng mga suspek na karamihan ay tumama sa bintana ng front passenger seat.

Tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Balanga City. (Mar T. Supnad)