Ni Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, sa palagay po ninyo, nababawasan na ba ang katiwalian sa pamahalaan?

Ayon sa Transparency International, isang pandaigdigang koalisyong tumututok sa katiwalian sa mga bansa, bagsak po ang Pilipinas sa Corruption Perception Index 2017. Sinusukat po ng index na ito ang pananaw ng mga eksperto at negosyante kung gaano kalaganap ang kurapsyon sa bansa. Nakakuha po tayo ng score na 34, malayung-malayo sa 100, ang score na nangangahulugang malinis sa katiwalian ang pamahalaan. Batay naman sa ranggo, pang- 111 po tayo sa 180 na bansa, halos ka-grupo na ng mga bansang may pinakatiwaling pamahalaan.

Sinasabing ang pagiging galít ni Pangulong Duterte sa mga kurakot at tiwali ang isa sa mga dahilan kung bakit siya nanalo. Hindi ba’t ipinangako niyang tatapusin ang katiwalian sa pamahalaan sa loob ng anim na buwan?

Alam naman nating napako na ang pangakong iyon, kaya’t ang tanging ginagawa ng Pangulo ngayon upang labanan ang katiwalian ay ang sunud-sunod na pagbabanta sa mga kawani ng kanyang administrasyon. Sa makailang pagkakataon, pinapangalanan niya ang mga pinagsususpetsahang tiwali at hinihingi ang kanilang pagbibitiw o kaya nama’y pinatatalsik niya ang mga ito sa puwesto.

Sangkot sa iba’t ibang tiwaling gawain ang mga sinisipa sa puwesto ni Pangulong Duterte—may pagnanakaw, pagkuha ng consultants na labis-labis ang bayad, at magastos na biyahe gamit ang kaban ng bayan. Ilan sa mga pinag-resign ng Pangulo ay mga kaalyado at pinagkakautangan niya ng loob. Ngunit dapat po ba tayong makuntento sa pagpapatalsik sa mga sinasabing tiwaling opisyal?

Hindi po iyon sapat dahil hindi nahahanap ang katotohanang kailangan upang mapanagot ang mga tiwali at nangungurakot kung pagbibitiwin lamang sila sa kanilang puwesto. Kulang ang maaanghang na salita ng Pangulo upang linisin ang pamahalaan. Sabi nga, public office is a public trust. Hindi maibabalik ang tiwala ng sambayanan kung matapos silang gumawa ng katiwalian at iwan ang kanilang katungkulan ay malaya sila na para bang walang nangyari. Ayon sa tala ng Rappler, 16 sa mga sinibak sa puwesto ng Pangulo ay hindi sinampahan ng kaso. Sa katunayan, itinalaga pa sa ibang opisina ng pamahalaan ang dalawa sa kanila.

Itinuturing ng mga panlipunang turo ng Simbahan na ang katiwalian ang isa sa mga pinakamalubhang pinsala sa isang demokratikong sistema. Nilalabag nito hindi lamang ang batas, kundi maging ang ating mga morál na batayan at mga pamantayan ng katarungang panlipunan. Nakokompormiso din ng katiwalian ang maayos na pagpapatakbo ng estado dahil dinudungisan nito ang ugnayan ng namumuno at mga pinamumunuan. Pinahihina nito ang ating mga institusyon na humahantong sa kawalan ng kumpyansa ng taumbayan sa pamahalaan.

Mahalagang may tiwala ang taumbayan sa mga kinauukulan upang mapatakbo nang maayos ang pamahalaan. Nawawala ito kung laganap ang katiwalian, ngunit hindi ito lubusang maibabalik sa pamamagitan lamang ng pagpapatalsik sa mga sinasabing tiwali. Kailangan silang papanagutin sa batas, at may sinusunod itong tamang proseso—mula sa paghanap ng ebidensya, pagsasampa ng kaso, paglilitis, at pagpaparusa sa mga mapatutunayang nagkasala. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng pagkakataon ang mga akusado na depensahan ang kanilang sarili. Napapaalalahanan din ang ating mga lingkod-bayan tungkol sa kanilang tungkulin, at napatatatag din ang mga institusyon lalo pa kung may mabubuong mga patakaran upang hindi na lumaganap pa ang katiwalian. Higit sa lahat, kung may tamang proseso ng pagpapanagot, nagiging kabahagi ang taumbayan sa pagsusuri, at makahihikayat ito sa kanilang magtiwalang muli sa pamahalaan.

Muli, public office is a public trust. Hindi maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan kung sisibakin lamang ang mga nagwaldas ng pera ng bayan. Tiyakin nating mapananagot sila sa prosesong itinadhana ng batas. Sa huli, ang pagsugpo sa katiwalian ay hindi tungkol sa isang lider na matapang magsalita kundi sa pagbabalik ng tiwala sa pamahalaan ng taumbayan.

Sumainyo ang katotohanan.