HANDA ang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagmamando ng trapiko sa mga kalsada na apektado ng gaganaping Federation Internationale de l’Automobile (FIA) Sports Conference sa Hunyo 4-6 sa Pasay City.
Sinabi ni Jojo Garcia, MMDA General Manager, na nasa 98 tauhan ng ahensiya na binubuo ng traffic enforcers at miyembro ng Road Emergency Group ang inatasang tumulong sa pagmamando ng trapiko sa katimugang bahagi ng Metro Manila at magbigay ng medical assistance sa mga kalsada na gagamitin sa nasabing sports event.
Tungkulin ng mga traffic enforcer sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa mga daraanan ng international delegates magmula sa airport patungo sa pagdarausan ng pulong kabilang ang Conrad Hotel at Mall of Asia.
“No roads would be closed for the event,” paglilinaw naman ni Garcia.
Ang FIA ay binubuo ng 245 national motoring at sporting organizations buhat sa 143 bansa. Ito ang unang pagkakataon ng FIA Sports Conference na isasagawa sa Asya.
-Bella Gamotea