KUNG may naiinis sa character ni Marvin Agustin sa teleseryeng Kambal Karibal, na kasama niya sina Bianca Umali, Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, Pauline Mendoza, Carmina Villaroel, at Alfred Vargas, marami namang natutuwa sa kanya dahil siya ang nagbibigay ng comedy sa mga dialogue at acting niya, lalo na kung masyadong seryoso na ang eksena.
Nag-post si Marvin sa kanyang Instagram: “Hello Diego (Miguel), Crisan (Bianca), Cheska (Kyline) & Crisel (Pauline). Isama na natin si Black lady na dahil sa kasamaan ko e parang anak na rin kita.
“Pinag-uusapan lang namin ng mga magulang n’yo (Alfred & Carmina) kung ano pa puwedeng pagpapahirap na puwede kong gawin sa inyo habang enjoy na enjoy ang mga tao sa mga kabaliwan ko. Pumayag sina Geraldine (Carmina) at Allan (Alfred), nakakatuwa naman kasi naintindihan nila na may mabuting naidudulot ang kasamaan ko.
“Manood po kayo gabi-gabi para humaba pa ang Kambal Karibal”na maaring maging triplets or quadruplets sila dahil ‘yan sa pagmamahal na pinaparamdam n’yo sa amin.
“Maraming salamat, mga Kapuso. Love, Poging Pogi Raymond. P.S. Makoy, parekoy (Jeric Alcantara, na namatay na sa story).”
Si Marvin ay si Raymond, na obsessed sa pagmamahal kay Geraldine, at lahat ng kasamaan ay ginawa niya para lamang mahiwalay ito sa asawang si Allan. Ang dami niyang kasamaang ginawa sa lahat ng characters, kahit sa tunay na anak niyang si Diego, na hindi niya matanggap.
May siyam na buhay yata, parang pusa, nakaligtas si Raymond sa lahat ng aksidente at pagkabaril, kahit iyong last Wednesday evening episode na bumaligtad ang sinasakyang nilang kotse ni Diego, pero buhay pa rin siya. Iyong kasamaan niya, sa halip na tulungang makalabas sa sasabog na kotse ang anak, iniwanan niya ito at tumakas siyang muli. Sa sumunod na eksena, maayos na siya at muling nakatakas sa mga humahabol na pulis. Ano kaya ang magiging ending ng character ni Raymond?
Napapanood ang Kambal Karibal gabi-gabi, pagkatapos ng The Cure.
-Nora V. Calderon