PATULOY ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong mga nakaraang araw, mula ito sa kombinasyon ng pagsirit ng pandaigdigang presyo ng langis at ang ipinapatupad na excise tax sa diesel at iba pang uri nito dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sinapol ng mga kumpanya ng langis nang tatlong sunod-sunod na pagtaas ng presyo ang mga motorista sa loob lamang ng 14 na araw simula noong Mayo 15. Matapos ang dalawang linggo, mas mahal na ng P3.35 ang kada litro ang gasoline; P2.70 sa diesel; at P2.40 sa kerosene.
Naunang umangal dito ang mga tsuper ng jeep at mga operator na humiling sa Land Transportation Franchising Regulatory Board ng pagtaas ng pamasahe mula P8 ay naging P10, dagdag pa ang P1 “surge fee” tuwing rush hour, tulad ng ipinapatupad ng GRAB. Humiling naman ang Department of Energy sa mga kumpanya ng ikalawang pagbibigay ng diskuwento sa langis dagdag sa nauna nang ibinigay na P1 noong Marso 1.
Kung sa hakbang naman na suspindehin ang pagpapatupad ng excise tax sa gasolina sa TRAIN law, tila hindi ito maaari dahil puwede nitong maapektuhan ang buong koleksiyon ng buwis ng pamahalaan, samakatuwid, ito ay tamang paglalaan ng pondo para sa programang “Build, Build, Build” at ng iba pang plano para sa ekonomiya ng pamahalaan. Ang TRAIN law ay may probisyon na maaaring suspindehin ang bagong buwis sa gasolina kung ito ay ang pandaigdigang presyo ay pumalo na sa $80 kada bariles sa Dubai at hindi pa umaabot sa puntong ito.
Nitong nakaraang Mayo 18, tatlong araw matapos itaas ang presyo mula sa mga lokal na kumpanya, nagpaalala ang Department of Finance (DoF) sa pagsisimula ng inflation, ngunit sinabi ng mga eksperto na “temporary” at “manageable” ito dahil sa paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa takdang oras, sinasabing tataas ang kikitain ng mga nagbabayad ng buwis bilang resulta ng pagtapyas sa income tax rate sa ilalim ng TRAIN. Nandiyan din ang TRAIN 2, na kasalukuyan nang nasa Kongreso, na nananawagan ng pag-alis ng kasalukuyang 30% na corporate income tax— ng isang bahagdan kada taon simula 2019, hanggat ‘di mas mababa ang singil sa 20 porsiyento. Maaari itong magresulta sa mas marami at mas maayos na trabaho, mabilis na inobasyon, at pag-unlad ng mga probinsiya, ayon sa DoF.
Subalit lahat ito ay para sa hinaharap. Ang ating pinangangambahan ngayon ay ang pagtaas ng mga bilihin. Magandang tingnan ang hinaharap at makitang positibong nakikinabang ang pambansang ekonomiya sa TRAIN, ngunit ang kagyat na problema sa presyo ay nangangailangan ng mabilis na atensiyon at aksiyon ng pamahalan lalo’t ang patuloy na pagtaas ng presyo ay pasakit sa pinakamahihirap na sektor ng populasyon.
Sa isang pagkakataon, nagtayo ang pamahalaan ng tinatawag na Kadiwa Centers o Rolling Stones ng National Food Authority na nagbibigay ng pangunahing pangangailangan. Kung patuloy na lumala ang kasalukuyang sitwasyon ng presyo, baka maisipan ng gobyerno na gamitin ang proyektong ito para sa mahihirap mula sa nakalipas.