KATULAD ng makukulay at mababangong bulaklak ng halaman na namukadkad at nalagas ang mga talulot sa panahon ng tag-araw, ang Mayo ay hindi naiiba. Nalagas at napigtal din sa kalendaryo ng ating panahon. At palibhsa’y itinuturing na Buwan ng mga Bulaklak at pagdiriwang ng kapistahan sa mga barangay sa bayan, sa iba’t ibang lalawigan, ang mga tradisyon at kaugaliang binigyang-buhay at pagpapahalaga, muling lumutang at nakita ang ating identity o pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Sa pagdiriwang at pagpapahalaga, ay nag-iwan ng mga hindi malilimot na alaala ang Mayo.
Sa unang araw ng Mayo hanggang Mayo 31, bahagi ng tradisyon ng mga Kristiyanong Katoliko ang “Flores de Mayo” o ang Pag-aalay ng mga Bulaklak sa Mahal na Birhen. Tuwing hapon, tanawin sa loob ng mga simbahan sa parokya, mga kapilya sa mga barangay at maging sa mga katedral ng malalaking lungsod sa bansa, ang mga batang babae at lalake, mga dalaga, senior citizen at iba pa nating kababayan na may panata at debosyon sa Mahal na Birhen, ay magkakasamang lumahok sa “Flores de Mayo”. Nagdasal ng Rosaryo, ng Litaniya sa Mahal na Birhen at umawit ng “Dios te Salve, Maria, llena eres de Gracia” at ng Dalit—awit, na papuri kay Mama sa pag-aalay ng mga bulaklak. Sa “Flores de Mayo”, may iba’ibang layunin ang mga nag-aalay ng mga bulaklak gaya ng pagtupad sa panata at debosyon sa Mahal na Birhen o kaya nama’y nagpasalamat sa mga natanggap na blessing o biyaya at patuloy na paghingi ng patnubay sa paglalakbay sa buhay.
Marami ang nagsasabi na wala nang iba pang bansa sa Silangan ang may mataimtim at dalisay na debosyon at pagmamahal kay Mama Mary tulad ng Pilipinas.
Ang “Flores de Mayo” o Pag-aalay ng mga Bulaklak ay isang matibay na sagisag na ang Mahal na Birhen, sa paniniwala ng maraming Kristiyanong Pilipino ay bahagi na ng buhay at pag-ibig ng ating bansa. Sa mga nakalipas na daan taon, ang Mahal na Birhen ay ilaw at pag-asa. Sa panahon man ng kalamidad, di-pagkakaunawaan, kabiguan, tagumpay at iba’t ibang pagsubok sa buhay.
Hindi na rin malilimot na alaala ng Mayo ang “Antipolo Pilgrimage” o pag-ahon sa Antipolo ng mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Gayundin ng libu-libong lumahok sa “Alay-Lakad” patungong Antipolo noong gabi ng Abril 30 hanggang sa madaling-araw ng Mayo uno. Ang mga kababayan nating lumahok sa “Alay-Lakad” ay may iba’t ibang layunin.
Sa mga mangingibang-bansa, bahagi ng dasal sa Mahal na Birhen ang patnubay sa kanilang paglalakbay. Hindi na rin malilimot ng marami ang pagtungo nila sa Hinulugang Taktak na isa nang protected area at tourist destination sa Antipolo City at Rizal. Ibinalik ang dating ayos at katangian sa magkatulong na programa ng pamahalaang panlalawigan at panlungsod, sa pangunguna nina Rizal Governor Nini Ynares at Antipolo Mayor Jun Ynares. Gayundin, naglunsad din ang siyudad ng iba’t ibang gawain kaugnay ng Maytime Festival.
Sa iba nating kababayan, hindi rin malilimot na alaala ng Mayo ang pagpunta nila sa iba’t shrine o dambana ng Mahal na Birhen tulad ng sa Manaoag, Pangasinan, sa Piat, Cagayan,sa katedral ng Antipolo sa Rizal, sa Pakil, Laguna, sa Regina Rica sa Tanay, Rizal at iba pang bayan at lungsod ng bansa. Ang pagtungo sa nasabing mga shrine ay bahagi ng kanilang panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
Bukod sa mga nabanggit, isa pa sa hindi malilimot na alaala ng Mayo ay ang mga idinaos na Santakrusan sa iba’t ibang bayan, barangay at lungsod ng Pilipinas. Hindi natatapos ang Mayo kung walang Santakrusan na pinakamakulay na pagdiriwang sa Pilipinas kung Mayo. Itinuturing na “Queen of Filipino Festivals” na inilalarawan o ginugunita ang pagkakatagpo sa Banal na Krus ni Reyna Elena, ang ina ni Constantine the Great. Sa Santakrusan, ipinakikita sa prusisyon ang 17 tauhan sa Bibliya o Biblical characters.K asama sa Santakrusan ang mga Maria na kumakatawan sa siyam na tawag o taguri sa Mahal na Birhen tulad ng Reyna de las Flores, Rosa Mistica, Reyna del Cielo, Divina Pastora at iba pa. Tampok naman ang Reyna Elena na may hawak na maliit na krus na sagisag ng krus sa Kalbaryo na si Reyna Elena ang nakatagpo. Ang konsorte ay ang kanyang anak na si Constantino.
Sa paglipas ng panahon, ang Reyna Elena at mga sagala sa Santakrusan ay tinampukan na ng mga beauty queen, mga artista sa
pelikula at telebisyon at mga endorser ng mga beauty products. Noong Mayo 25, 2018, ang Sankrusan sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City ay ginawang paraan ng protesta ng mga estudyante sa mga nangyayari at nakikitang inhustisya, kalupitan at mga paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa.
Nag-iwan ng iba’t ibang hindi malilimot na mga alaala ang Mayo sa puso, damdamin at diwa ng mga kababayan nating nagdiwang at nagdebosyon sa Mahal na Birhen, pati sa mga tradisyong makulay at makahulugang binigyang-buhay at pagpapahalaga na nakaugat sa kultura nating mga Pilipino.
-Clemen Bautista