ISANG mambabatas mula sa isang partido ang naghain ng resolusyon upang pahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang pondo ng Malampaya sa pagtatatag ng Philippines Strategic Fuel Reserves (PSFR) at ipatupad ang pagpapalawak ng pondo sa programang Pantawid Pasada.
Sa House Resolution 1936, sinabi ni 1-PACMAN Partylist Rep. Michael Romero na maaaring magpatupad ng pinalawig na Pantawid Pasada program ang Department of Energy (DoE), ang ahensiyang gumagamit ng pondo ng Malampaya upang maisama hindi lamang ang mga pampublikong jeep at bus, kundi maging ang mga transport network vehicle service (TNVS) units, mga taxi at maging ang mga cargo truck.
Hinihikayat din ng resolusyon si Pangulong Duterte na magpalabas ng isang executive order para sa paglikha ng PSFR, na pamamahalaan ng DoE, Philippine Oil Company, at Department of Finance.
“A national strategic fuel reserve has been an option the Department of Energy has had on its shelves to address energy crises,” pahayag ni Romero sa kanyang resolusyon.
Ayon kay Romero, base sa ulat ay may natitira pang pondo ang Malampaya na umaabot sa P198.567 bilyon. Itinatag ang Malampaya sa ilalim ng Presidential Decree 910 noong Marso 22, 1976. Ginagamit ito upang mabawasan ang bigat ng pagtaas ng presyo ng langis bilang tulong sa mga Pilipino.
Dagdag pa rito, maaaring ipag-utos ng Energy Regulatory Commission sa mga kumpanya ng langis sa bansa na panatilihin ang kanilang sariling reserbang langis sa lebel na maaaring umagapay sa pangangailangan ng mga mamimili sa loob ng 40-60 araw.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, kinakailangang magpatupad ng ahensiya ng programang Pantawid Pasada o proyektong aagapay sa mga commuters at pampubliong transportasyon at ang jeepney modernization program para naman mabawasan ang bigat ng pagtaas ng excise tax sa langis na dagdag sa pasanin ng publiko at land transport sector.
PNA