Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang sinasabing Chinese big boss ng Parojinog drug syndicate na sinasabing nagpupuslit ng bultu-bultong ilegal na droga sa bansa.
Ayon kay Ozamiz City Police Office (OCPO) chief, Chief Insp. Jovie Espenido, hinihintay na lamang nila ang pag-uwi sa bansa ni dating Misamis Occidental board member Ricardo “Ardot” Parojinog na naaresto sa Taiwan noong nakaraang linggo.
Aniya, kaya lumawak at tumibay ang Parojinog group dahil umano sa amo nilang Intsik na hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan.
Ito, aniya, ang dahilan kaya nais nitong personal na maimbestigahan si Ardot upang kumpirmahin ang mga sensitibong impormasyon na ibinulgar ng kanyang mga tauhan na unang naaresto sa magkaibang anti-illegal drugs operations sa Ozamiz City at Lanao del Norte kamakailan.
Si Ardot ay isa sa walong anak ni Octavio Parojinog, Sr., na dating pinuno ng Kuratong Baleleng Gang na unang ginamit ng militar na pantapat sa rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Misamis Occidental at ilang probinsiya sa Zamboanga Peninsula noong dekada 80.
Napaslang na rin ang kapatid ni Ardot na si City Mayor Reynaldo Octavio, Jr. habang nakakulong naman si Renato, ang nakababatang kapatid, at si Vice Mayor Melodina Parojinog- Malingin dahil sa pagkakasangkot sa droga sa Ozamiz City.
-Fer Taboy