COTABATO CITY – Umani ng magkakaibang reaksiyon ang pagkakapasa kamakailan sa Kongreso ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), at bagamat labis ang kasiyahan ng karamihan ng mga Moro, dismayado naman ang ilang sektor.

Bumuhos sa Facebook ang karamihan sa mga reaksiyon, nang maraming Moro at non-Moro netizens ang pumuri sa Senado at sa Kamara sa pagpapasa sa kani-kanilang bersiyon ng BBL, makaraang sertipikahan ni Pangulong Duterte na “urgent” ang nasabing panukala at kinailangang ipasa na bago magsara ang recess sine dine ng Kongreso.

Nabatid na ilang pamilyang Muslim sa Central Mindanao ang nagkatay ng mga alaga nilang hayop, gaya ng kambing, para pagsaluhan sa kanilang pagkain ngayong Ramadhan kasunod ng pagkakapasa sa Kongreso ng pinakahihintay nilang panukala. Ang iba naman ay sama-samang nanalangin para sa agarang pagsasabatas ng BBL.

‘ANOTHER STEP FOR STRUGGLE’

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Gayunman, ilang Moro professional at analysts ang nagsipagkomento sa Facebook na ang pagkakapasa ng BBL ay “not yet a victory, but for the moment, another step for further struggle” at pareho anilang “diluted” ng Senado at Kamara ang draft ng Bangsamoro Transition Commission (BTC), alinsunod sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng gobyerno noong 2014.

Huwebes ng madaling araw nang ipasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang bersiyon nito ng BBL, ang Senate Bill 1717, habang Miyerkules ng hapon naman nang ipinasa ng Kamara, 227-11, ang BBL version nito. Gayunman, kapwa hindi pa naisasapubliko ng dalawang kapulungan ang kani-kanilang bersiyon.

‘INTERNAL ARRANGEMENT’

Gayunman, sinabi nitong Huwebes ng isang source, na nakipagtrabaho sa BTC, sa isang senador at sa ilang kongresista sa ilang buwang deliberasyon para sa BBL draft, na nagmungkahi ng ilang mahahalagang pag-amyenda ang mga kongresista.

Kabilang dito, ayon sa source, ang paghahati ng Bangsamoro Autonomous Region (BAR) at ng gobyerno sa 50-50 sa 100% share na panukala ng BTC sa natural resources; 75-25 na hatian sa dapat sana ay 100% na kita sa buwis; at pagtapyas sa P50 bilyon ng P100-bilyon special development.

Napaulat na nagsagawa ang mga mambabatas ng “internal arrangement” sa pagpapasa ng kani-kanilang BBL draft upang mapagbigyan ang kagustuhan ni Pangulong Duterte na mapirmahan nito para maging batas ang bicameral meeting-refined version ng BBL isang araw bago ang ikatlo nitong State-of-the-Nation Address (SONA) sa Hulyo 24, ayon pa rin sa source.

-Ali G. Macabalang