SAN ANTONIO, ZAMBALES – Apat na Japanese at 13 Pilipino ang ikinulong sa San Antonio Police Station nitong Mayo 31, matapos hukayin ang Capones Island sa Barangay Pundakit dito.

Sa ulat ng San Antonio Police Station, inaresto si Domyo Ukari, 56; Shinchi Kawano, 44; Morie Eizo, 60; isang 15-anyo na Hapon; at 13 Pinoy sa ilegal na pagmimina.

Sina Domyo, Shinchi at Mori ay pawang residente ng Legaspi Village sa Makati City at tubong Japan, habang ang menor de edad na Hapon ay residente ng San Marcelino sa Zambales at nagsisilbing interpreter ng tatlong nabanggit upang maintindihan ng 13 iba pang trabahador.

Ayon kay San Antonio Chief of Police PS Isnp. Jonathan Bardaje, nakipagtulungan ang kanilang grupo sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) laban sa umano’y ilegal na pagmimina sa Capones Island. Inaresto ang mga suspek na pawang nahuli sa aktong naghuhukay sa naturang isla.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinilala ang iba pang suspek na sina Lloyd Marlo Cerezo, 22; Arnold Argel, 23; Rexy Maycong, 21; Gregorio Domingo, 34; Effer Tolentino, 24; Rodrigo Castro, 58; Luis Cerezo, 39; Lymar Cerezo, 20; Reggie Marcong, 25; Noel Flores, 29; Jason Ebalane, 27; Espiridon Gumacao, 62; at Ronald Gonzales, 48.

Narekober sa ilegal na operasyon ang isang compressor set, generator set, metal detector, grinder, edger, dalawang exhaust fans, dalawang shovels, jack hammer, hand saw, tool box, assorted ropes, sprayer, zonar metal detector, 18 piraso ng steel pipes na ginagamit sa scaffoldings, isang pike at isang rake.

Ayon kay Vice Mayor Lugil Ragadio, ang isla ay ikinokonsiderang public domain dahil ito ay kinapapalooban ng Capones Island Lighthouse, idinagdag na ang lugar ay hindi ipinagbibili.

Sinabi rin niya na ang lugar ay Marine Protected Area at ang Philippine Coast Guard ay nakaantabay sa isla.

Nasa 16 na talampakan na ang nahukay ng grupo at may lawak na five by five meters sa kabila ng kakiputan nito, na dahilan ng espekulasyon ng umano’y treasure hunting sa lugar. Ilang residente ang nagsabi na sa Capones Island itinago ng isang kilalang Japanese officer ang kanyang kayamanan noong world war.

-Jonas Reyes