NANGIBABAW ang provincial teams laban sa batang Manila sa ginanap na Philippine Volleyball Federation-Tanduay Athletics Under 18 beach and indoor volleyball championships nitong weekend sa multi volleyball courts ng Cantada Sports Center sa Taguig City.
Itinuturing sentro ng volleyball competition sa bansa, ang Cantada Sports Center ay may dalawang sand courts at dalawang indoor courts at venue ng mga libreng torneo at grassroots development program ng PVF.
Sa beach volleyball, nangibabaw ang tambalan nina Viviene Padayao at Fevie Ilustrado ng University of the Cordilleras sa girls division nang gapiin ang DepEd Pasay High School na kinatawan nina Angelyn Fermento at Lyen Ritual. Nakamit naman nina Krizia mae Legaspi at Kayelyn Joy Regala ng Mandaluyong ang third place laban kina Caziel Catanglan at Rosemary Borlongan ng University of the Cordilleras.
Nadomina naman ng tambalan nina Raymart Lanuzo at Pol Salvador ng National University ang boys division kontra sa NU Team C nina Exequil Quezada at Lorenze Cruz, habang pangatlo ang tambalan nina Jann Pijo at Jun Cayamso ng NU Team B laban kina Dervi Saringan at Reuben Cruz ng Balanga Volleyball Club.
Mga nasanay ng PVF referee course ang mga tumayong officials mula sa Pangasinan, Valencia (Negros Or.), Balayan, Cavite at Balanga.
Nagwagi sa indoor event ang University of the Cordilleras sa girls division laban sa Holy Family Academy of Angeles, habang nanaig ang Lyceum PU-Cavite kontra Harrell Home Integrated of Bacoor sa boys class.
Nakilahok ang ilang DepEd teams mula sa Pasay at Mandaluyong, gayundin ang Grace Christian College, Hope Integrated, Balanga Volleyball Club at GMA Lady Knights sa torneo na suportado nina Lucio “Bong” Tan, Jr. at PVF Chairman Mikey Arroyo.