ANG pananaw at nauunawaan ng mga karaniwang Pilipino ngayon tungkol sa Economics o Ekonomiya ay sa konteksto ng buwis, matataas na presyo, at mga subsidiya. Maliwanag din sa kanila na ang mabibigat na ipinababalikat sa kanila ng mga isyung ito, ay dahil sa kahinaan at kakulangan ng ilang polisiya o panuntunan ng gobyerno. Sinasalamin ngayon nito ang hinaing ng publiko laban sa ating naghihingalong piso at tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Araw-araw tila lalong lumalakas ang naturang mga hinaing na maaaring magtulak sa pambansang liderato na isakrispisyo ang ilang bahagi ng maganda nitong mga programa upang mamuhay ang Estado sa loob ng kakayahan nito at huwag nang mangutang.
Tama ang puna ni Sen. Panfilo Lacson na ang hindi makontrol na pagtaas ng mga presyo dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), sa kabila ng paliwanag ng mga finance manager ng gobyerno, ay lumikha ng walang katiyakan at galit ng madla na maaaring mauwi sa kaguluhan. Tila nga unti-unting umaani ng suporta mula sa publiko ang mga protesta.
Tampok sa pang-ekonomiyang suliranin natin ang pagtataas ng excise tax at presyo ng langis, pagbaba ng halaga ng piso, at nakalululang halaga ng mga pangunahing bilihin kasama ang mga gamot at gamit sa konstruksiyon, at galit ng taumbayan bunga ng pagtataas ng pasahe.
Ang pagsama-sama ng mga pang-ekonomiyang problemang ganito ay karaniwang nauuwi sa patung-patong na kamalasan, lalo sa mahihirap na manggagawa. Habang tumataas ang presyo ng langis, kasunod naman agad ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kaugnay din nito ang pagbaba ng halaga ng piso dahil sa paglakas naman ng dolyar. Ang pagmura ng piso ay karaniwang natutuloy sa pagbili ng mumurahing bigas na mahirap lunukin.
Kahil gumagawa ang Estado ng ilang pang-ekonomiyang hakbang para maibsan ang epekto ng mga bagong buwis, ang mga suliraning nilikha ng TRAIN ay maaaring hindi humupa agad dahil sa mga puwersang panlabas, kaya ang pagtaas ng excise at value-added tax sa petrolyo, na sumabay sa pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, ay patuloy na magpapahirap sa karaniwang Pilipino.
Lalong masakit pa nito ang katotohana na habang tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilhin, walang garantiya na ang presyo nito ay bababa agad matapos humupa ang kaguluhan sa ekonomiya. Nagkakaisa ang mga lider ng administrasyon sa pagsasabing isang hakbang ang programang TRAIN tungo sa positibong direksiyon. Gayon pa man, mas maraming Pilipino ang nananatiling hindi sigurado at nagdududa sa pananaw na ito.
-Johnny Dayang