NAGLAAN ang pamahalaan ng Bukidnon ng P118 milyon bilang pondo sa mga binhi at pataba para sa mga magsasaka na nagtatanim ng mais, lalo para sa Indigenous Peoples (IPs).
Ibinahagi ni Provincial agriculturist Alson Quimba na ikalawang pagkakataon na ito ng probinsiya na mamahagi ng hybrid corn seeds at fertilizer na matatanggap ng nasa 21,818 magsasaka ngayong darating na Hulyo.
Noong Marso, nasa P156 milyong halaga ng binhi at pataba ang ibinahagi ng provincial agriculture office sa 28,900 magsasaka.
Ayon kay Quimba, siyam na kilo ng hybrid corn seeds at dalawang sako ng fertilizer ang matatanggap ng bawat benepisyaryo na pinili sa pamamagitan ng kanilang impormasyon na nasa mga opisina ng agriculture sa 20 bayan at dalawang lungsod.
“Farmers who are tilling below one hectare of land and do not have other sources of income are the beneficiaries of the program,” ani Quimba.
Sinabi naman ni Governor Jose Ma. R. Zubiri, Jr. na target ng programa ang maliliit na magsasaka, partikular ang nasa komunidad ng IPs, upang masuportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Aniya, mula ang budget sa P900 milyong surplus fund ng probinsiya.
Sa mga nakalipas na taon, ikaapat ang Bukidnon sa mga probinsiya sa bansa na may pinakamataas na poverty incidence na kamakailan ay bumaba sa ikaanim na puwesto.
PNA