MULING nangibabaw ang husay at diskarte ni Jeric Mitra ng Nueva Ecija matapos talunin sa ikalawang sunod na pagkakataon ang pambato ng Davao na si Bornok Mangosong nitong Sabado sa ikaapat na yugto ng MMF Supercross Championships.
Napuno ng sigawan at palakpakan ang Mx Messiah Fairgrounds matapos ang mainit na laban sa pagitan nina Mitra at Mangosong sa pinakahihintay na Shell Advance Pro Open Production. Pumangatlo si Ralph Ramento kasunod si JC Rellosa at si Ompong Gabriel.
May kabuuang 94 puntos si Mitra sa overall standings, samantalang nasa ikalawang puwesto si Mangosong na may 90 puntos at ikatlo si Gabriel na may 73 puntos.
Inaasahang reresbak ang numero unong rider ng United Athletes Mindanao sa susunod na karera.
‘‘Miracle filled day. No rain, no serious injury! Praise the Lord!,’’ sabi ni Pastor Sam Tamayo ng the Generation Congregation, nag-organisa ng serye, sa pakikipagtulungan ng Shell Advance Motorcycle Oil at suportado ng Dunlop Tires, Potato Corner, Yamaha Motor Philippines, Fox Racing Philippines, Coffee Grounds, Potato Corner, Win Radio at Gardenia Philippines.
Kinuha ng beteranang si Pia Gabriel ang unang puwesto sa ladies class kasunod si Jasmin Jao at Mia Villalon.
Nagwagi si Kieran Magbual sa amateur open at kampeon ng executive class si Edwin Tabangay Jr. Walang katapat si Jolet Jao sa executive class at Peter Loyola sa power enduro.
Nagwagi si Langit Salonga sa underbone; David Viterbo sa kids 85 cc at Wenson Reyes sa 65 cc.
Nagsipanalo rin sa kani-kanilang mga kategorya sina Kendrick Flores, Joshua Tamayo, Maynard Mercado, Kyle de Guzman, Jojo Sayas at Christopher Mercado.