NITO lang nakaraang linggo, nagbabala si Sen. Ping Lacson na ang tumataas na presyo ng mga bilihin ay magiging mitsa ng rebolusyon. “Kapag ang sikmura ang nagprotesta na, humanda para sa rebolusyon” sabi niya. Ganito rin ang paniniwala ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison. “Malaki ang potensiyal para malawak na protesta o pag-aklas ng mamamayan sa buong kapuluan kapag hindi napigil ng rehimeng Duterte ang mabilis at walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo,” wika niya. Ang patuloy na pagtaas ng mga presyo, aniya, ay magpapasiklab ng rebolusyon hinggil sa maraming isyu na maghihikayat para sa malawakang pagkilos para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Duterte.
Nasa magkabilang panig ng bakod si Sen. Lacson at CCP founder Joma Sison. Noong una, limitado ang pananaw ni Lacson sa isyu ng kapayapaan at kaayusan ng lipunan. Dahil isa siyang pulis noon, ang isyu ay tungkol lamang sa mga taong nanggugulo, lumalabag sa batas at gumagawa ng krimen. Nang maging Senador siya, lumawak ang kanyang pananaw. Nakita na niya ang ugat ng problema na mula’t sapul ay ito na ang inilalantad at inihahayag ni Sison. Kaya nga lang, hindi siya naniniwala sa balangkas ng lipunan, na ang programa ng gobyerno ay para lang sa mga mayaman, malakas at makapangyarihan, hindi magkakaroon ng pagbabago para gibain ang kahirapan. Talaga namang wala tayong nasaksihan na pagbabago kahit papalit-palit ang tumatangan ng renda ng gobyerno. Ang ibinibigay lang ng halalan sa mamamayan ay pag-asa at pananalig na laging nauunsyami.
Tingnan ninyo ang naging bunga ng nakaraang halalan. Nagwagi si Pangulong Duterte sa kanyang mga pangako na magbibigay buhay sa kanyang campaign slogan na “Change is coming”. Ang problema, mali kaagad ang kanyang unang hakbang. Walang patumanggang patayan ang nangyari. Sa pananaw ng isang pulis, tinangka niyang lutasin na suliraning peace and order ng bansa. Ang pinanglutas niya sa problemang ilegal na droga ay kamay na bakal na hindi kumilala ng batas, due process at human rights. Giyera amg ipinanglaban niya sa mga sinasabi niyang mga terorista, gaya ng ginawa niya sa Marawi.
Ang peace and order ay problemang hindi malulutas ng karahasan at militarisasyon. Ito ay socio-economic problem. Ang lunas ay pagpapaganda sa ekonomiya, na magkakalat ng benepisyo na matatamasa ng publiko, lalo na ng mga dukha. Tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon ang inumpisahan at inatupag sana kaagad ni Pangulong Digong. Trabaho at pagkain ang dapat na kanyang ibinigay sa taumbayan. Hindi bala. Ibinalik niya sa gobyerno ang control sa langis, tutal ay pag-aari naman ito ng mga dayuhan. Hindi iyong ibigay mo sa kanila pati ang laya na magpresyo ng kanilang produkto na siyang sitwasyon ngayon dahil sa Oil Deregulation Law. Naiulat na nababahala na rin ang Pangulo sa mabilis at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Pero, ang kanyang remedyo na nakikita ng mamamayan ay price control at fund transfer. Inutil ang gobyerno para maremedyuhan ang gutom at kahirapan sa mga ganitong paraan.
-Ric Valmonte