Habang mainit ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng Philippine basketball player na si Kiefer Ravena, nanawagan ang Food and Drug Administration (FDA) nitong Martes ng review para sa mga nabibiling workout at energy drinks sa merkado.
Sa isang pahayag, sinabi ni FDA Director General Nela Puno na ang kaso ni Ravena ay magiging magandang pagkakataon para muling suriin ang content at labelling ng mga energy drink.
“I will immediately direct a thorough review of these products to protect the health and fitness conscious public,”sabi ni Puno.
Sa ilalim ng FDA Act of 2009, inatasan ang ahensiya na siguruhin ang kaligtasan, pagiging epektibo, purity, at kalidad ng mga food product, gamot, cosmetics, at medical devices.
Nitong Lunes, inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na sinuspinde si Ravena ng 18 buwan ng International Basketball Federation (FIBA).
Ang dahilan ay ang pagpopositibo ni Ravena sa nakitang tatlong ipinagbabawal na substance sa kanyang sistema, na pinaniniwalaang mula sa pre-workout drink na tinawag niyang “DUST”, na kanyang ininom noong Pebrero, nang maglaro siya para sa Gilas Pilipinas national men’s basketball team.
Samantala, sa isang panayam, ipinahayag ng health reform advocate na si Dr. Anthony Leachon ang kanyang suporta sa hakbang na isasagawa ng FDA.
Sinabi ni Leachon na kailangan ng set of guidelines, lalo na ang wastong labelling para sa mga energy drink.
Aniya pa, maaaring magdulot ang mga unregulated energy drink ng cardiac arrhythmia, high blood pressure, kawalan ng tulog, at iba pa.
“FDA guidelines are badly needed at this point in time...at the moment, it’s over-the-counter, and people don’t know what they’re taking,” saad ni Leachon.
PNA