Hindi dapat katakutan ang panukalang national identification (ID) system maliban na lamang kung nakagawa nang masama ang isang indibiduwal.
Ito ang payo kahapon ng Philippine National Police (PNP), na nagsabing todo-suporta ang kanilang hanay sa nasabing mungkahing batas na niratipikahan na ng Senado nitong nakraang Martes, batay na rin sa report ng bicameral conference committee.
“I think kami rin we proposed it. We support that 100 percent. We see nothing wrong with having a national ID dahil mukhang tayo na nga lang ang bansang wala nito,” paliwanag ni Albayalde.
Ikinumpara rin nito ang pagkakaroon ng maraming ID sa pagbili ng cell phone sim cards, na maaaring gamitin ng mga kriminal sa pagsasagawa ng krimen.
“Why can you buy these things na p’wede mong gamitin sa hindi maganda? P’wede mo ngang mura-murahin yung isang tao or you threaten somebody then throw it away afterwards. Then you can have another one again,” pagpapatuloy pa nito.
Aniya, madali na lamang matukoy ang sinumang maaaring gumawa ng krimen kapag naipatupad na ang nasabing panukalang batas.
“With this, at least alam natin those without a [national] ID and those who did not apply for one may problema and we can single them out. ‘Yun ang isang maganda doon,” sabi niya.
Mas magiging madali, aniya, ang trabaho ng mga pulis sa pagkilala at pagtukoy sa mga kriminal dahil lahat ng pangunahing impormasyon ay nakapaloob na sa iisang ID.
“If you commit an offense, napakadali na pong makilala. Kapag swipe mo lang ng ID mo, everything will come out already,” pagtatapos pa ni Albayalde.
-Martin A. Sadongdong