Nasagip ang isang Taiwanese, na sinasabing dinukot at ilegal na ikinulong sa maliit na kuwarto, sa pagsasanib-puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Makati City Police sa Makati City, nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Neng Neng Tseng, 32, call center agent, ng 30Q, One Pacific Place, H.V. De la Costa St., Barangay Bel-Air sa nasabing lungsod.

Dinampot naman ng pulisya ang 11 Chinese, na isinasailalim sa beripikasyon ng awtoridad, kaugnay ng insidente.

Nauna nang humingi ng tulong sa pulisya ang Taiwan Embassy kaugnay ng pagdukot umano ni Jerry Wang kay Tseng na umano’y ikinulong sa isang silid sa isang office space sa Unit 14D, 2251 lT Hub, Pasong Tamo Ext., Bgy. Bangkal, Makati City, nitong Mayo 28, dakong 11:00 ng gabi.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nang puntahan ng grupo ni Senior Supt. Benjamin Acorda, Jr., hepe ng Regional Intelligence Division ng NCRPO, ang lugar ay nadatnan nilang nakakulong ang biktima.

Inamin ng biktima na kaya siya ikinulong ay dahil sa pagkakamaling nagawa sa kumpanyang kanyang pinapasukan, kaya pinagbabayad umano ito ng 70,000 Rmb Chinese currency (P560,000) bago palayain.

Itinuro rin nito ang supervisor nila, si Song Xin Cheng, Chinese, na responsable sa pagkulong sa kanya.

Dinampot naman ang 11 Chinese employee nang walang maipakitang papeles ang kumpanya para sa kanilang operasyon.

-Bella Gamotea