NGAYON ang huling araw ng Mayo at marami sa mga bayan sa buong bansa ang nagdaraos ng Santacruzan at Flores de Mayo. Dinala ng mga Espanyol dito sa bansa ang Santacruzan, na tinaguriang reyna ng pistang Pilipino.
Nag-ugat sa relihiyon—na naglalarawan sa kuwento ni Reyna Helena naghahanap ng tunay na krus sa lugar ng ‘Crucifixion’ sa Jerusalem—hanggang sa paglipas ng panahon ay nabago ang Santacruzan bilang isang pista ng komunidad, tampok ang pinakamagagandang babae sa komunidad na naglalakad sa gabi ng prusisyon na sinusundan ng mga tao hawak ang may sinding kandila, habang kumakanta ng “Dios te salve, Maria.”
Ang Reyna Helena—at ang kanyang anak na si Constantino, na kalaunan ay naging Emperor Constantine the Great na ginawang dominanteng relihiyon ng Kristiyanismo sa kanyang pamumuno sa Roma, ang laging huling karakter sa nabanggit na prusisyon. Nauuna sa kanila ang ilan pang karakter, kabilang sina Reyna Esperanza, Reyna Caridad, Reyna Sentenciada, Reyna Abogada, Reyna Justicia, Divina Pastora, Reyna de los Angeles, at iba pa. Sa Maynila, sinasalihan ng mga beauty queen at artista ang prusisyon ng Santacruzan sa isang malaking pagtitipon na pinakatampok sa buwan ng Mayo bilang Buwan ng mga Bulaklak.
Gayunman, nitong nakaraang Sabado, isang kakaibang paraan ng Santacruzan ang naganap sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sa katunayan isa itong uri ng protesta laban sa sinasabi ng mga estudyante na nakikitang senyales ng inhustisya, pangmamalupit, at mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa ngayon.
Sa halip na nakagawiang mga Reyna ng tradisyunal na Santacruzan, mayroong Reyna Justicia, na nananawagan sa pagpapalaya ng mga political prisoners: Reyna delos Martires, na tumitindig para sa mga biktima ng extrajudicial killings; Reyna dela Verdad, na panawagan ang hustisya sa mga mamamahayag at mga nagsusulong ng kapayapaan na napatay dahil sa paglalantad ng katotohanan; Reyna Esperanza, na nagpapakita sa pag-asa ng mga manggagawa at aktibista; at ang Reyna dela Verdad, na naglalarawan ng kinahihinatnan ng mga katutubong Pilipino sa pagtatanggol sa kanilang mga minanang lupa at ang mga taga-Mindanao na nananawagang tapusin na ang martial law sa lugar.
Kayraming nangyayari ngayon sa ating bansa, napakaraming programa at proyekto ang nagdudulot ng mga pagbabago sa tradisyunal na paraan. Nandiyan din ang ilang mga protesta katulad ng naunang kampanya laban sa ilegal na droga ng Philippine National Police na naging dahilan upang ilipat ng Pangulo ang pamamahala nito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). May ilang pang sektor ang nangangailangan ng pagbabago sa operasyon ng gobyerno tulad ng mga sinabing dahilan ng protesta UP sa pamamagitan ng Santacruzan.
Hindi man apektado ang lahat sa mga isinusulong at ipinaglalaban nararapat ding sila ay mapakinggan. Maaaring mayroon sa kanila o ilan sa kanila, ilang mga bagay na kinakailangan ng aksiyon.