Muling umukit ng kasaysayan ang Pinoy nurse na kauna-unahang nahalal sa serbisyo publiko sa United Kingdom (UK) matapos siyang mahalal kamakailan bilang deputy mayor ng isang bayan malapit sa London, ayon sa embahada ng Pilipinas sa nasabing bansa.

Nagpaabot ng pagbati si Ambassador to London Antonio Manuel Lagdameo kay Councilor Danilo Favor kasunod ng kanyang pagkakahalal bilang deputy town mayor ng East Grinstead sa Sussex, may 43 kilometro ang layo sa timog ng London.

Sinabi ni Lagdameo na si Deputy Mayor Favor, na inihalal ng mga miyembro ng East Grinstead Town Council, ang aayuda kay Town Mayor Rex Whittaker sa kasagsagan ng pulong ng konseho at sa paglilikom ng pondo ng community charities.

Si Favor ay kasapi ng Conservative Party at naging unang Pilipino na nahalal sa isang pampublikong puwesto sa UK matapos siyang maluklok bilang konsehal ng East Grinstead noong 2011, at re-elected sa ikalawang termino noong 2015.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Tumanggap din si Favor ng Presidential Banaag Award para sa Outstanding Filipino Individuals and Organizations Overseas dahil sa naging ambag niya sa pagsusulong sa interes ng overseas Filipino communities.

Si Favor ay isang ophthalmic nurse practitioner sa Queen Victoria Hospital NHS Foundation Trust, at 15 taon nang naninirahan sa East Grinstead. Nagtapos siya ng nursing sa Pilipinas at itinuloy ang kanyang ophthalmology nurse specialist studies sa King’s College sa London.

Si Favor din ang founding chairman ng Extra Care Team, isang health and wellness initiative ng volunteers upang magbigay ng libreng health screening check-up sa mga miyembro ng community groups.

Presidente rin si Favor ng Bicol United, ang umbrella organization ng Bicolano communities sa UK.

Taong 2014 nang tinanggap ni Favor ang Community Service Award mula sa Mid-Sussex District Council, dahil sa aktibo niyang pakikiisa sa hindi mabilang na community organizations sa UK at sa East Grinstead.

-BELLA GAMOTEA