Hinimok ng House Committee on Metro Manila Development ang Government Service Insurance System (GSIS) na huwag ituloy ang planong pagbenta sa Parola property na nasa Barangay 20-Parola, Tondo, Maynila.
Sa halip, nakiusap ang komite sa National Housing Authority (NHA) na bilisan ang pagtayo ng murang pabahay sa naturang lugar.
Idineklara ng Executive Order No. 108, series of 2002, ang bahagi ng GSIS property sa Parola, Tondo at Binondo, Maynila, bilang social housing site. Gayunman, isinama ang Parola property sa assets na balak ipagbili ng GSIS sa pre-bidding notice na inilathala ng ahensiya sa mga pahayagan.
Ayon kay Manila Rep. Manuel Luis Lopez, nang ipaalam niya sa mga residente ng Parola ang plano ng GSIS, sinabi ng mga ito na hindi sila kinonsulta.
Sinabi ni Quezon City Rep. Vincent Crisologo na ang pagsasama sa Parola property sa pre-bidding notice ng GSIS ay paglabag sa EO 108.
-Bert De Guzman