Sa selda ang bagsak ng isang Korean na umano’y money scammer makaraang biktimahin ang isa nitong kababayang negosyante sa loob ng isang hotel sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police ang suspek na si Jinyub Kim, 30, tubong 256 4GA, Samseon Dong, Sungbook-Gu, Seoul, South Korea at pansamantalang nanunuluyan sa No. 306 Viva Green Condominium, Pedro Gil, sa Malate, Maynila.
Kinilala naman ang kanyang biktima na si Hong Jeongyul, 48, pansamantalang nanunuluyan sa Unit 203 Antel View Towers, sa Roxas Boulevard, Pasay City.
Nadakip ang suspek sa Midas Hotel sa Roxas Bvld., dakong 10:30 ng gabi.
Bago ang pag-aresto, nagkita umano ang suspek at biktima sa nasabing hotel at sinabi ni Kim na ipinadala siya ng kanyang boss upang tulungang ipapalit ang Korean money na nagkakahalaga ng 31,290.000 won (P1.5 milyon).
Habang kasama ang dalawang lalaki na tauhan ng isang money changer sa Malate, bitbit naman ang P2 milyon na nasa bag.
Agad inutusan ng suspek ang biktima na i-remit ang Korean money sa account number ng kanyang boss na Seonok Kim, dahil dala na umano nila ang kapalit na katumbas na peso rate.
Agad namang tiningnan ng biktima ang pera na dala ng tauhan ng money changer kaya ini-remit ni Jeongyul ang naturang Korean money sa naturang account.
Nang ma-iremit ng biktima ang pera, hindi na ibinigay ng suspek ang kapalit nito kaya inaresto ang Koreano.
-Bella Gamotea