GANITO ang namumulagat na balita (news story) sa isang English broadsheet noong Lunes: “Palace dares ‘pro-US’ critics: Attack China.” Nang mabasa ito ng kaibigan sa kapihan, muntik na siyang masamid sa iniinom na kapeng mainit.
Ano raw uri ng katwiran ito ng Malacañang sa pahayag-paghamon sa mga bumabatikos (kritiko) sa West Philippine Sea-South China Sea (WPS-SCS) policy, na sila ang sa barko at lusubin ang China?
“Anong lohika ito?,” tanong ng aking kaibigan na hindi makapaniwala sa hamon ng Palasyo na salakayin at lusubin ng mga kritiko ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang dambuhalang bansa ni Pres. Xi Jinping, kung talagang igigiit nila ang pag-angkin sa mga reef at isla na saklaw ng PH Exclusive Economic Zone (EEZ) na ngayon ay okupado na nila.
Duda raw ang Duterte administration na tutulungan ni Uncle Sam ang PH sa maritime dispute nito sa Beijing. Sabi ni presidential spokesman Harry Roque: “Alam mo ang gusto ko? Kunin silang lahat, isama sila sa isang barko. Lusubin nila, sige! Maubos na kayong lahat! Napakasaya niyan, mawala na kayong lahat nang matahimik na ang bayan.”
Spokesman Roque, tandaan at pakaisipin mo na hindi komo maghahain ng protesta o diplomatic protest ang ating bansa sa ginagawa ng China, ay gusto nating makipaggiyera sa kanila. Bakit laging ganito ang nasa isip ng ating Pangulo? Ayaw natin ng giyera, ipinagbabawal ito ng ating Constitution.
Ang nais lang natin ay ipaalam sa buong mundo, lalo na sa China, na lehitimo ang ating pag-angkin sa mga reef at hindi nila pag-aari ang halos kabuuan ng WPS-SCS. Sa gayon, malalaman ng US, Japan, Australia at iba pang mga kaalyado na nagpoprotesta tayo sa aktibidad ng China. Hindi tayo nakikipag-giyera kay Xi Jinping.
Naniniwala si ex-Paranaque City Rep. Roilo Golez na dati ring kalihim ng National Security Council (NSC), na hindi giyera o warfare kundi diplomasya o lawfare ang dapat isulong ng Pinas. Hindi natin kayang sagupain ang China, titirisin lang tayo. Ang dapat ay diplomatic protest!
May babala si Sen. Ping Lacson bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin dahil daw sa TRAIN. Kapag ang mga mamamayan ay naghihirap at nagugutom, walang laman ang sikmura at hindi mapag-aral ang mga anak, hindi kataka-taka na sila’y umalma at balewalain ang kasikatan ng isang lider na kanilang minamahal at hinahangaan. Talaga, mahirap na kalaban ang isang taong gutom at hungkag ang sikmura!
-Bert de Guzman