MULING itinaas ng GMA Network ang bandera ng Pilipinas sa iniuwing pitong medalya at pitong certificates mula sa prestihiyosong 2018 U.S. International Film & Video Festival (USIFVF) kabilang na ang apat na gold medals — ang pinakamaraming gold medal na napanalunan ng Kapuso Network sa nasabing kompetisyon.
Pinangunahang muli ng GMA News and Public Affairs ang mga nagwagi ngayong taon.
Tumanggap ng Gold Camera award ang Alaala: A Martial Law Special sa docu-drama category. Ang nasabing special ay ipinalabas sa telebisyon bilang paggunita sa 45th anniversary ng pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Marcos. Tampok sa Alaala ang kuwento ng Martial Law activist at award-winning screenwriter na si Bonifacio Ilagan na ginampanan ni Alden Richards; pati na rin ang karanasan ng kanyang kaibigan na si Pete Lacaba (Rocco Nacino) at ng kanyang aktibistang kapatid na si Rizalina (Bianca Umali).
Nagwagi rin ng Gold Camera award sa Social Issues category ang documentary program na Reel Time para sa “Batang Maestro” episode. Ipinakita sa nasabing dokyu ang kuwento ng 12-gulang na si Dagul, na kasama ang kanyang kapwa ‘batang maestro’ ay sumusuong sa mahabang ilog ng Donsol habang nakasakay sa kawayang balsa upang maturuan ang kanilang mga estudyante.
Dalawang Gold Camera award naman ang tinanggap ni Atom Araullo — isa para sa una niyang GMA documentary special na Philippine Seas, at isa pa para I-Witness episode na “Silang Kinalimutan”.
Nagwagi ang Philippine Seas sa Documentary Environment, Ecology category. Tinalakay nito ang kalagayan ng ating karagatan. Samantala, ang pinakaunang dokyu ni Atom para sa I-Witness na “Silang Kinalimutan” ay nanalo naman sa Social Issues category. Ipinakita rito ang kuwento ng mga Rohingya na kinailangang lumikas patungong Bangladesh nang hindi sila kilalanin ng gobyerno ng Myanmar.
Samantala, nanalo naman ng Silver Screen award si Raffy Tima para sa kanyang Inside Marawi: A Report On 360 Video sa Craft/Production Techniques: 360 Video category. Sa pamamagitan ng kanyang 360-degree video camera, ipinakita ni Tima ang kalagayan ng nasabing lungsod pagkatapos ng Marawi siege.
Silver Screen award din ang nasungkit ng Reporter’s Notebook sa Documentary: Social Issues category. Sa winning report ni Maki Pulido na “Yapak sa Pusod ng Dagat”, ipinakita kung paano sumisisid sa dagat ang ilang Pinoy gamit ang mga hose na may hangin mula sa compressor sa pag-asang makakuha ng kakarampot na ginto.
Panalo rin ang GMA Entertainment Group na tumanggap ng Silver Screen award para sa primetime show na The One That Got Away para Entertainment: Dramatic Comedy category. Ang katatapos na romantic-comedy series ay pinagbidahan nina Lovi Poe, Rhian Ramos, Max Collins, at Dennis Trillo.
Bukod sa pitong awards, pitong Certificate for Creative Excellence rin ang hinakot ng GMA Network para sa mga sumusunod: ang Huling Gabi dokyu ni Howie Severino at ang War Zone ER episode ni Sandra Aguinaldo para sa I-Witness (Documentary: Current Affairs category); ang “Combat Camera Team “ na ulat nina Marisol Abdurahman at Raffy Tima para sa Brigada (Documentary: Current Affairs category); ang “Bagong Mukha ni Pag-asa” story ni Doc Nielsen Donato para sa Born to be Wild (Documentary: Public Affairs Programs category); ang episode ng Reel Time na Hawla (Documentary: Health, Medical category); ang GMA Public Affairs Anniversary Special na “Sa Serbisyong Totoo Nabago Ang Buhay Ko” (Documentary: News Specials category); at ang Pepito Manaloto (Entertainment: Situation Comedy category).