HALATANG nangangamba na rin si Senator Joseph Victor ‘JV’ Ejercito sa mga nagaganap na aksidente sa lansangan.

Kamakailan, inihain ni Sen. JV sa Mataas na Kapulungan ang isang panukalang batas na layunin ay higpitan ang pagbebenta ng motorsiklo sa mga bumibili nito.

Aniya, sa dami ng motorsiklo sa lansangan ay naging tatlo-beinte singko na ang namamatay na rider kada araw. At hindi lamang ito nagaganap sa Metro Manila kundi maging sa lahat ng sulok ng Pilipinas.

Base sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa 423 ang kabuuang bilang ng rider na namatay sa aksidente sa motorsiklo nitong nakaraang 2017. Habang umabot din sa 15,505 ang sugatan sa mga motorcycle-related accident.

Lalo kayong kikilabutan kung makaabot na sa inyong kaalaman na nasa 167 ang bilang ng mga inosenteng pedestrian ang kabilang sa datos ng mga namatay sa motorcycle accident sa Metro Manila.

Isipin ninyo, tumatawid lang sa kalsada o naglalakad lang sa bangketa ay nahahagip pa rin ang mga kaawa-awang pedestrian ng mga tinataguriang ‘kamote rider.’

Bukod sa kakulangan sa sapat na kaalaman sa pagmamaneho ng motorsiklo, malaking bilang ng mga rider ang wala ring disiplina dahil natuto lamang silang gumamit ng motor matapos turuan ng barkada o magulang kung paano ito balansehin at patakbuhin. At ganun-ganun na lang kung magpasuray-suray sa EDSA, akala mo nabili na nila ang buong kalsada upang mag-asal barumbado sa pagmamaneho ng motorsiklo.

Eto na’t umapaw na ang salop.

Inihain na ni Sen. JV ang Senate Bill 1822 na may titulong ‘An Act Establishing a Mandatory Motorcycle Safety Training Program and Providing Penalties Thereof.’

Layunin ng panukalang batas na ito na obligahin ang mga bibili ng motorsiklo na sumailalim muna ng formal rider’s safety training bago siya bentahan ng motorcycle dealer ng unit.

Puntirya rin ni Sen. JV na ungkatin kung paano biglang lumobo ang bilang ng mga motorsiklo sa lansangan. Base sa talaan ng Land Transportation Office (LTO), umabot na sa 6.1 milyon ang mga rehistradong motorsiklo sa bansa.

Dahil sa sobrang mura ang downpayment ng mga motorsiklo, tilang yema na lang kung bilhin ang mga ito bagamat karamihan sa mga nagmomotor ngayon ay walang ‘k’ na magmaneho ng sasakyang dadalawa ang gulong.

Umaasa tayong maisasabatas ito sa lalong madaling panahon, lalo na’t mismong si Pangulong Duterte ay pikon na rin sa walang disiplinang kamote rider na nagkalat ngayon sa lansangan.

-Aris Ilagan