NANG lisanin ko ang Senado noong 2013 makalipas ang 21 taon sa serbisyo publiko, kaagad akong bumalik sa pangangasiwa sa aming negosyo. Wala nang baka-bakasyon. Hindi na kailangan ang adjustment period. Sabik na akong magbalik sa buhay negosyante. Isa sa mga dahilan ng naramdaman kong kaligayahan ay ang katotohanang babalikan ko ang isang industriyang napakabilis na nagbabago. Ang mga pagbabago sa demographic landscape ng ating bansa ay may napakalaking epekto sa industriya ng real estate.
Ang mabilis na pag-usbong ng populasyon ng mga millennial ang isa sa mga pangunahing nagbubunsod ng pagbabagong ito sa demograpiko. Ang mga millennial ay silang isinilang noong 1980s hanggang 2000. Karamihan sa kanila ay nasa edad 20s at 30s sa ngayon. Ayon sa
ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), binubuo ngayon ng mga millennial ang sangkatlong bahagi ng populasyon ng bansa, at halos kalahati sa kanila ay nasa puwersang manggagawa.
At hindi rin natin dapat na kalimutan ang ating mga overseas Filipino worker (OFW), na batay sa 2017 Survey on Overseas Filipinos ng PSA, ay pabata nang pabata. Apatnapu’t dalawang porsiyento (42%) ng mga OFW ay nasa edad 25-34.
Samakatuwid, sila ang henerasyong mamamayagpag. Kasabay ng pag-usbong ng mga bagong henerasyon ng mga bagong paraan ng pag-iisip, gayundin ang bagong pag-uugali at pagtingin sa buhay. At mahalaga para sa lipunan, partikular na para sa negosyo, na maunawaan ang mga pagbabagong ito upang makaagapay sa kanilang mga pangangailangan.
Malinaw ang mga pagbabagong ito sa demograpiko sa paglulunsad ng kasalukuyang administrasyon ng malawakang programang pang-imprastruktura. Layunin ng “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte na isulong ang kaunlaran sa iba’t ibang rehiyon para magdulot ng kaginhawahan sa mga lalawigan. Mangangahulugan ito ng mas maraming negosyo, mas maraming trabaho, mas masiglang paggastos at mas maayos na kalidad ng pamumuhay para sa ating mamamayan.
Ang mabilisang pagbabagong ito ay may napakalaking epekto sa industriya ng real estate. Sa pagdami ng konstruksiyon at pagbabago ng populasyon, mahalagang maintindihan natin na mainam na nakaaagapay tayo sa mga pagbabago ng panahon.
Sa pag-aaral noong 2017 ng online real estate platform na Lamudi Philippines, natukoy na karamihan ng mga Pilipino—nasa 60%—ang naghahanap online ng mabibiling bahay at lupa, habang mga condominium units naman ang hanap ng mga millennial.
Ito marahil ay dahil karamihan sa mga millennial ay nasa mauunlad na siyudad at mas binibigyang bigat ang ginhawang hatid ng mga condo malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan at ang iba pang amenities na alok ng mga ito, na akma naman sa kanilang napakaabalang pamumuhay.
Gayunman, hindi natin dapat na kalimutan na bagamat sa umpisa ay pipiliin ng kabataang propesyunal ang buhay sa siyudad, ilang Pilipino ang naghahanap ng mas malaking bahay sa labas ng mga abalang central business district. Para sa marami sa atin, hindi nagmamaliw ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay na may munting bakuran kung saan malayang makapaglalaro ang ating mga anak.
Hindi rin natin dapat na balewalain ang kaunlarang namamalas sa labas ng Metropolitan Manila. Sa kaparehong pag-aaral ng Lamudi, natukoy na bagamat pinakamaraming nagtitingin ng bahay at lupa sa Quezon City at sa iba pang mga lugar sa NCR, dumarami na rin ang nagtitingin-tingin sa Cebu, Davao, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro at General Santos.
Ang isa sa mga napansin ko nang magbalik ako sa pangangasiwa sa aming negosyo ay ang mabilis na pag-unlad ng mga siyudad sa labas ng Metro Manila, na ang isa sa mga pangunahing dahilan ay ang pagpasok ng maraming kumpanyang outsourcing, na naghahatid ng mas magagandang trabaho at mas masiglang paggastos para sa kabataang propesyunal at kani-kanilang pamilya.
Isa ito sa mahahalagang dahilan ng ating agresibong expansion sa mga probinsiya. Mayroon kaming negosyo sa 141 siyudad at munisipalidad sa 47 lalawigan sa bansa. Ito rin ang pangunahing inspirasyon sa pagpapalakas ng aming mga retail division—ang Star Mall, All Home, All Day, Coffee Project at, ang pinakabago, ang Bake My Day.
Halimbawa, limang taon na ang nakalipas nang ilunsad ang All Home, isang one-stop-shop para sa mga may-ari ng bahay, mga contractor, at mga nahuhumaling sa DIY. Habang sumisipa ang ekonomiya at dumadami ang bumibili ng bahay, napagtanto namin ang pangangailangan sa isang full-line home center na nag-aalok ng malawakang koleksiyon ng construction materials, sari-saring appliances at muwebles, at curated collection ng mga gamit pangdekorasyon hindi lamang para sa mga nagbibihis sa kani-kanilang bagong bahay, kundi maging sa marami na nagsasagawa ng renovation. Mayroon na tayo ngayong 17 sangay ng All Home, at may isa pang bubuksan sa Naga City sa Hunyo 11 ngayong taon.
Ito ang dahilan kung bakit mahal ko ang pagiging negosyante. Tuluy-tuloy ang pagbabago sa mundo. At laging mayroong bagong matututunan.
-Manny Villar