NAGULAT kami nang malamang 63 years old na pala si Hajji Alejandro dahil ni hindi pa namin nakitaan ng grey hair, maliksing kumilos, maganda pa rin ang boses, hindi nahuhuli sa uso ang pananamit at bagay pa rin sa titulong Kilabot ng mga Kolehiyala.
Tulad ng iba pang youthful celebrities natin, ‘di pa siya mukhang senior citizen.
Nakaharap namin si Hajji sa blog conference para sa nalalapit niyang concert sa The Theater at Solaire, may titulong Powerhouse IV: Hajji Ako at ang Aking Musika 45 Taon, sa Hunyo 23.
Akalain mo, 45 taon na pala siya sa music industry pero parang hindi naman nagbabago ang itsura ni Hajji simula noong 70s.
Tandang-tanda kong nasa high school (1978) ako nang kantahin ni Hajji ang Kayganda ng Ating Musika at lalo pang umingay ang pangalan niya nang magkasunud-sunod na ang hit songs niyang Panakip-butas, Nakapagtataka, May Minamahal, Tag-araw Tag-ulan, Ang Lahat ng Ito’y Para Sa ‘Yo, If I Were Man Enough, at maraming iba pa.
Panay ang shows noon ni Hajji sa mga campus kaya siya nabansagang Kilabot ng mga Kolehiyala, kasi nga puro estudyante ang fans niya.
Inamin ni Hajji na overwhelmed siya sa tinamasang tagumpay noon, maging sa pagsisimula niya sa Circus Band hanggang sa nagsolo na.
“Mangiyak-ngiyak ako nu’n. Imagine ’yung kanta mo, ’yung boses mo naririnig mo mismo sa radio? Ang hirap i-explain nu’ng pakiramdam pero sobrang masaya, masarap na nakaka-proud. In fact, until now kapag naririnig ko ’yung mga kanta ko, I remember it like it was only yesterday.”
Isa si Hajji sa singers noon na aktibo pa rin ngayon at ipinagpapasalamat niya ito nang husto.
“Utang na loob ko ito sa lahat ng sumuporta at patuloy na sumusuporta all these years. Kung wala sila, wala ang isang Hajji Alejandro ngayon kaya sobrang grateful at thankful ako, “ saad ng tatay nina Rachel at Ali Alejandro.
Sa lahat ng mga nakamtan na ni Hajji sa loob ng 45 na taon, may hinihiling pa ba siya?
“I’m already happy with what I have. I feel that I have contributed enough songs in the industry. Na-cherish ko na lahat ng award kaya ’pag tinatanong ako kung ano pa ba’ng gusto ko, ang ‘sinasagot ko, ‘Wala na akong mahihiling pa. Masayang-masaya na ako sa buhay ko,” nakangiting sagot ng singer.
Aware si Hajji na marami nang magagaling na singers ngayon.
“Hindi ko alam but if anything, I want to have a graceful exit. I think experience-wise, punong-puno naman na ako nu’n at as a professional I know na kailangan kong mag-give way para sa ibang mga singers,” diretsong sabi niya.
Napaisip si Hajji nang tanungin kung sinu-sino ang young singers na gusto niyang makatrabaho?
“Ako kasi open ako kung sino, open ako sa ganu’n and I’m willing to share my experiences. Hindi ako maramot in giving tips to those who are open to improve their singing, their craft at sa ganu’n paraan ma-uplift natin ang industriya at ma-improve. Kasi in every generation, dapat ‘yung susunod, mas magaling.
“Kailangan pagaling nang pagaling ‘yan, hindi puwedeng mapako. Sabi nga nila, ‘’Yung mga batang singers ngayon, ‘yung mga kanta namin daw noon, nire-revive?’ Malungkot ‘yung part na ‘yun for the industry, masaya sana sa amin because hindi namamatay ‘yung music namin na kinakanta pa rin ng mga bata, pero in general, hindi puwedeng mapako ro’n, eh. Kinakailangan mag-create pa ng mas magandang music ‘yung mga bagong generation, ma-inspire pa ang mga songwriters, composers at maging generous in giving to new artist, mga songs na nababagay sa kanilang boses,”magandang sabi ni Hajji.
Ang pagkakaiba ng local music scene noon sa ngayon... “Marami akong nakikitang potential today and marami ring nakakalungkot in the sense na almost everyone now, eh, puwedeng maglabas ng album, kahit sino na. Kasi ang technology permits that, eh. Nagagawan kasi ng paraan, natutulak ‘yung nota sa computer. ‘Pag flat, naitataas, ‘pag sharp na, ibaba. Kaya kapag live na, doon mo nakikita na, opps, iba.
“Pero bilib din naman ako kasi buo naman ang loob nila, pero sa tingin ko dapat i-improve nila na kapag nakakanta mo sa recording, nakakanta mo rin sa live. Noong araw kasi, wala ‘yang technology na ‘yan. Kailangan talaga malaking achievement sa akin na kapag nag-recording ako na take one, hindi na inulit. Ngayon wala ka nang maririnig na ganu’n, paulit-paulit na ngayon. Perfect ‘pag pinakinggan mo, pero ibang istorya na kapag kinanta nang live,” paliwanag ng magaling na mang-aawit.
“Dapat mag-improve rin ‘yung mga batang singer... na mag-improve ng spiels nila ng do’s and dont’s on stage. Marami kang makikitang ganyan, like sasabihin nila na kakapasok lang sa stage, ‘pasensiya na po kayo kasi medyo malat o masama ang boses ko.’
“Number one rule on stage at napag-aralan ko, you should not apologize to your audience kasi once nalaman nilang may iniinda ka o maysakit, uneasy na sila for you na nag-uumpisa ka pa lang kumanta, iisipin nila, ‘naku baka siya pumiyok.’
“Unang-una, kung hindi mo kaya, ipahinga mo, huwag ka nang lumabas kasi kung lumabas ka, 101% kailangan handa ka at no excuses.”
Nagpapasalamat si Hajji sa naibigay na titulong Kilabot ng mga Kolehiyala sa kanya pero naiilang pala siya at lalo kapag tinatanong kung sino sa tingin niya ang bagay na pagpasahan nito.
“Madami na kasi through the years, di ba? Nu’ng napunta ako sa Amerika ng five years, ang daming naging kilabot nu’ng time na ’yun, di ba? Mga bagong artista nu’n. Naging kaibigan ko rin sila, and I think hindi nila gusto ’yun, eh. ‘Yung mga managers nila ang pumili nu’n.
“But the thing is, I know hindi magugustuhan ng isang artist kung ipapasa lang sa kanya ‘yun. Siyempre they want to make their own names in the industry at passing on that title, someone will only fall into the shadow of the original and that’s more of a disadvantage,” pangangatwiran ng premyadong singer.
Sa rami na ng successful shows sa Pilipinas at sa ibang bansa, awards at citations na natanggap, kinakabahan pa ba si Hajji Alejandro sa entablado?
“No, it’s more of I’m excited and that excitement gives me a lot of positive energy,” kaswal niyang aagot.
Excited si Hajji sa kanyang 45 Years Concert dahil, “’Yung mga behind the scenes, memories ng buhay ko, isi-share ko sa mga audience ko. I’m thankful na binigyan ako ng ganitong opportunity na maikuwento ‘yung music journey ko, sinong influences ko, anong storya sa likod ng mga awitin ko, lahat ‘yan but siyempre in a light way and very entertaining.”
Siya mismo ang pumili ng kanyang special guests.
“Sina Celeste Legaspi, Marco Sison at Rey Valera at anak kong si Rachel. Sila talaga ’yung pinili ko dahil malaki ang papel nila sa music journey ko. At itong concert na ito ay buong puso kong hinahandog sa mga mahal kong tagasuporta.”
Ang Powerhouse IV: Hajji Ako At Ang Aking Musika 45 Taon ay produced ng Lucky 7 Koi at line produced ng Cornerstone Concerts Entertainment.
-REGGEE BONOAN